SOBRANG saya ang ginanap na presscon ng Toda Max sa ABS-CBN noong Huwebes ng gabi dahil walang ginawa ang entertainment press kundi magtawanan sa mga hirit nina Robin Padilla at Vhong Navarro tungkol as nararamdaman nila kay Angel Locsin kapag magkakaeksena sila.
Bagama’t halatang nag-i-ingat sumagot si Binoe dahil nga may asawa na siya ay ramdam pa rin na kung bibigyan siya ng tsansa ay hindi niya pakakawalan si Angel.
Kaya panay ang sabi niya ng, “Nakakainggit nga si Vhong kasi binata siya, pero hindi naman ako nanghihinayang kasi maganda at mahal ko ang asawa ko.”
Pero nang tanungin ang aktor kung ano ang nararamdaman niya kapag nasa set si Angel, “Pag dumarating siya sa Toda Max, ramdam na ramdam mo kasi lahat ng tao sa set, tumatahimik. Pag naglakad na si Angel, lahat, nagigising.
“May mga taping na wala si Angel, sa totoo lang, malungkot, lalo na si Vhong! Ha-hahaha! Kaya pag nandiyan siya, nagpapasalamat kami,” tumatawang kuwento ng aktor.
Kaya natanong ulit si Robin kung niligawan ba niya si Angel noong panahong nagkasama sila sa seryeng Asian Treasure ng GMA?
“Wala pong nangyaring ganu’n kasi noong panahon na ‘yun, parehong martial arts ang inibig namin, pareho na-ming passion.
Pero siyempre, isa akong lalaki, kitang-kita ko ‘yung hubog (katawan), kitang-kita ko lahat ng sulok, hindi namin maaalis ‘yun.
“Kapag nag-eensayo siya sa gym namin dati, lahat ng nandoon, mangha! Pero siyempre, no’ng panahon na ‘yun, nirerespeto namin ang pagmamahal niya noon sa iba, pero ngayon, e, taken na ako,” pag-amin ni Binoe.
Samantala, abut-abot ang pasasalamat nina Vhong at Robin kay Angel dahil pumayag siyang maging mainstay sa Toda Max dahil nagsilbing inspirasyon daw ang aktres sa lahat.
“Nagpapasalamat din kami kay tita Ethel (Ramos, manager ni Angel) kasi dinala niya si Angel sa amin, kaya sa amin na siya. Malamang ang puso niya ay sa iba (Phil Younghusband), pero siya sa amin na,” say ni Binoe.
Samantala, natanong din si Robin kung hindi nagseselos si Mariel Rodriguez kina Angel at Kris Aquino na makakasama naman niya sa seryeng Kailangan Ko’y Ikaw pati na rin kay Anne Curtis na makakatambal din niya sa nasabing serye?
“E, ako naman, trabaho lang at kung ano ang iutos ng director, dapat susundin ko at in character ako.
Pagpatay na ang ilaw (pack-up), uuwi na ako sa asawa ko, ‘yan ang natutunan ko,” paliwanag ng action star turned comedian.
At natutunan daw niya ang technique na ito kay Regine Velasquez nang gumawa sila ng pelikula na pareho rin ang titulo, ang “Kailangan Ko’y Ikaw”.
“Natutunan ko kay Regine Velasquez ‘yun.
Ginawa namin ‘yung ‘Kailangan Ko’y Ikaw’, ‘yung mga ginawa naming kissing scene doon, akala ko girlfriend ko siya, pero pag-cut, nawala na siya, sabi ko, ‘Asan na ‘yung girlfriend ko?
Nawala na!’ Napaka-professional niya, ganu’n dapat para iwas,” kuwento pa ng aktor tungkol sa Asia’s Songbird.
Samantala, nananatili pa ring numero uno ang Toda Max sa timeslot nito.
Ayon sa datos ng Kantar Media noong Sabado (Feb. 4 ), nakakuha ito ng 13.2%, laban sa 11.5% at 3.6% ng mga public service program sa mga kalabang istasyon.