Perpetual ginulat ng JRU; San Sebastian taob sa Arellano

Mga Laro Bukas
(The  Arena)
2 p.m. Mapua vsSt. Benilde
4 p.m. EAC vs Lyceum
Team Standings: San Beda (5-0); Arellano (4-1); Perpetual Help (3-1); San Sebastian (3-2); Lyceum (3-2); Jose Rizal (3-3); St. Benilde (1-3); Emilio Aguinaldo (1-3); Letran (1-4); Mapua (0-5)

KUMAPIT ang suwerte sa host Jose Rizal University Heavy Bombers sa endgame para maisantabi ang pagkawala ng limang puntos kalamangan at maitakas ang 62-61 panalo sa University of Perpetual Help Altas sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Hinablot ni Dave Sanchez ang offensive rebound sa sablay ni Philip Paniamogan tungo sa dalawang puntos sa huling 11 segundo para maipatikim sa Altas ang kanilang unang pagkatalo matapos ang tatlong sunod na panalo.

Bumaba ang Perpetual sa ikatlong puwesto at ipinaubaya ang pangalawang puwesto sa Arellano Chiefs na nanaig sa San Sebastian Stags, 96-86, sa ikalawang laro.

May career-high na 21 puntos, 13 assists at 7 steals si Jiovanni Jalalon para pangunahan ang limang Chiefs na nasa double-digits upang sungkitin ang ikaapat na panalo sa limang laro.

Nagbabaga ang opensa ng Arellano sa huling 10 minuto ng labanan dahil 28 puntos ang kanilang ginawa.

Si CJ Perez ay may 22 puntos para sa Stags na nakasalo ang Lyceum Pirates sa ikaapat na puwesto sa magkatulad na 3-2 baraha.

May 16 puntos si Paniamogan para sa Heavy Bombers na naitabla ang baraha sa 3-3 matapos ang anim na laro.

May 22 puntos si Juneric Baloria habang 20 rebounds at 10 puntos si Harold Arboleda pero wala sa kondisyon si Earl Thompson sa ibinigay na siyam na puntos lamang.

Read more...