State of the Nation: Bulsa ng masa butas sa mahal na bilihin

 


 

ILANG araw mula ngayon ay muling haharap si Pangulong Aquino sa kanyang mga “boss” upang ilahad kung ano na ang mga nagawa at nais pang gawin ng kanyang administrasyon sa nalalabing 700 araw niya sa puwesto.

Para sa mga ordinaryong manggagawa, ang nais niyang marinig ay ang pagbaba ng presyo ng mga bilihin para magkasya ang kanyang sahod— alam naman niya na hindi itataas ng kanyang amo ang kanyang suweldo, kaya pagbaba na lang ng presyo ng kanyang mga binibili na pangangailangan sa araw-araw ang kanyang inaasam-asam.

Pero kamusta nga ba ang presyo ng mga pangunahing bilihin ngayon? May dudukutin pa bang pera si Juan dela Cruz?

 

BIGAS
Importante para sa pamilyang Pilipino ang bigas na siyang pangunahing pagkain sa hapag.
Noong Hulyo 2013, ang presyo ng regular milled rice ay P32 kada kilo, ayon sa Price Monitoring Chart of basic goods (Metro Manila) at nailathala sa Presidential Communications Development and Strategic Planning Office ng gobyerno.
Kamusta rin naman kaya ang presyo ng bigas sa Visayas at Mindanao?
Ang well milled rice ay nagkakahalaga ng P35 kada kilo, at ang premium rice ay P40 at ang pinakamahal ay ang sepcial (fancy) rice na nagkakahalaga naman ng P45 kada kilo.
Noong Marso 28, muling naglabas ang PCDSPO ng monitoring chart kung saan nila sinabi na ang halaga ng regular milled rice ay P38 kada kilo na o P6 na mas mahal kaysa sa dating presyo.
Ang well miled rice naman ay P40 kada kilo, ang premium ay P42 at ang special ay P50 kada kilo.
Pinakamura pa rin ang NFA rice na P27 kada kilo.
Nag-iiba-iba ang presyo ng bigas depende sa rehiyon, ayon sa Price Situation ng Bureau of Agricultural Statistics.
Ang pinakamahal na presyo ng bigas ay ibinibenta sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (Cotabato City).
Nagkakahalaga ng P49/kilo ang presyo ng premium at P48/kilo naman ang well milled rice.
Ang regular milled rice ay P44.50/kilo.
Sa Cagayan de oro City (Region 10), ang presyo ng special rice ay P54/kilo, mas mahal ng P4 kumpara sa presyo nito sa Metro Manila.
Pero ang pinakamahal na special rice ay mabibili sa Iloilo city na nagkakahalaga ng P65/kilo.

ASUKAL
Hindi naman masyadong tumaas ang presyo ng refined sugar (puti) na nagkakahalaga ng P46 kada kilo mula sa dating P45 kada kilo noong Hulyo 2013.

Ang washed sugar ay P45 kada kilo mula sa dating P42/kilo at ang brown sugar ay P40/kilo mula sa dating P38.


MANTIKA
Tumaas naman sa P27 ang kada lapad ng mantika mula sa dating P20 noong nakaraang taon.

ULAM
Kapansin-pansin din na nagmahal ang presyo ng kilo ng baboy, bagamat iba ang sinasabi ng mga tauhan ng gobyerno.

Ang presyo ng liempo noong isang taon na nasa P180 kada kilo ay naglalaro na sa P190 hanggang P200.

Ang presyo naman ng manok na nasa P120 kada kilo ay nasa P130 na. Kapansin-pansin din na tumaas ng 50 sentimo ang presyo ng itlog.

Umangat din ang presyo ng baka na mula P200-P260 sa P220 hanggang P300 kada kilo depende sa parte.
Ang presyo ng bangus at tilapia ay tumaas din ng P10 kada kilo mula sa dating P110 at P90.

PETROLYO
Ang presyo ng unleaded gasoline ay P49.55-P55.70 kada litro sa monitoring chart noong Marso, mas mababa kaysa noong Hulyo 2013 na nagkakahalaga ng P50.50-P57.35/litro.

Ang diesel naman na pangunahing ginagamit ng mga namamasadang sasakyan ay tumaas. Mula P41.50-P44.70 kada litro noong nakaraang taon ay naging P41.55-P45.10/litro.

Tumaas din ang Auto LPG at ngayon ay P32.90-38.80 kada litro mula sa P27.75-P30.60.
Malaki naman ang itinaas ng LPG (pick-up price) ay P722-P832.5 na kada tangke mula sa P617-P745.

SARDINAS
Ang presyo ng sardinas ay bahagyang tumaas. Mula sa P12.15-P13.25 ay naging P12.15-P13.75 kada lata.

GATAS
Ang gatas (filled milk) naman ay naglalaro na ang presyo sa P35.75-P49.50 kada lata mula sa P34.50-P48.50.

NOODLES
Ang instant noodles naman ay hindi nagbago ang presyo at nanatili sa P6.30-P7.10 kada isa.

TINAPAY
Ang presyo ng Pinoy tasty ay hindi naman gumalaw at nasa P37 kada 400 gramo gayundin ang Pinoy pandesal na nanatili sa P22.50 bawat 10 piraso.

Read more...