Enzo ayaw maging ka-close si Aljur: Civil lang naman kami!


KUNG hindi pa sa Cinemalaya Film Festival entry ng Front Media Entertainment ay hindi namin makikilala at makakatsikahan si Enzo Pineda na isa sa cast ng “Sundalong Kanin” na idinirek at sinulat ni Janice O’Hara, na anak naman ng professor namin nu’ng college na si Peewee O’Hara at asawang si Jerry O’Hara.

Masarap palang kakuwentuhan si Enzo na noong una ay hindi namin type kausapin dahil hindi namin siya kilala at wala kaming alam tungkol sa kanya.

Hanggang sa binanggit sa amin ng katotong Vinia Vivar at isa sa patnugot naming si Maricris Nicasio na ex-boyfriend ni Louise delos Reyes si Enzo kaya naging interesado na rin kami para ma-update kung ano ba talaga ang totoo sa nabalitaan naming inagawan siya ng girlfriend ni Aljur Abrenica kaya naman nahiwalay ang huli kay Kylie Padilla.

Balita rin namin na hindi raw inaamin nina Aljur at Louise ang tungkol dito pero malakas ang hinala ng nakararami na magkarelasyon na sila.

Kaya nang makatsikahan namin si Enzo ay natanong siya tungkol sa mga nasabing isyu. Katwiran ng aktor, “Past is past na, tagal na nu’n. Kung anuman ang nababasa n’yo, siguro ‘yun na ’yun.”

Nasa iisang network sila ni Aljur at imposibleng hindi sila nagkikita o nagkakasalubong man lang. Natawa si Enzo, “Nagkita kami sa work and parang civil lang and I guess siguro hanggang doon na lang ’yun.”

“Sabi ko nga, I went there for work. Well, wala rin namang kailangang pag-usapan and for me, if it’s about work, okay lang,” anang  aktor.

Hmmmm, gusto namin ang binatang ito, diretso at hindi niya kailangang magpaka-safe sumagot dahil kung ano ang nararamdaman niya ay sinabi niya. Muling sabi pa, “And hindi naman ako pumunta roon para makipagkaibigan.

It’s for work naman talaga.” At dahil naka-move on na ay hindi naman itinago ni Enzo na may dini-date siyang non-showbiz girl at hopefully daw ay mag-work out pero hindi naman niya minamadali dahil marami pa rin daw siyang gustong marating in terms of his career.

Hindi pa tapos ng kolehiyo si Enzo pero aminado siyang gusto niyang tapusin ito dahil plano niyang magtayo ng restaurant dahil mahilig daw siyang magluto.

At naging interesado kami kasi natutuwa kami sa taong mahilig magluto lalo na kung ipinagluluto nila ang kanilang karelasyon.
Napangiti si Enzo dahil ipinagluto nga raw niya si Louise noong sila pa, “Sobrang sarap akong magluto, masarap ang taste ko, e, kaya hayun, nawala (inagaw). Ha-hahaha!”

Natawa rin kami, siguro nga sa sobrang sarap ng taste niya nagustuhan ni Aljur. At sabay sabing, “Kapag nakikita n’yo na ako, maaalala ninyo na, masarap akong magluto?”

Ha-hahaha! Aliw kami kay Enzo bossing Ervin kasi masarap kausap at may laman ang utak dahil may iba pa kaming pinag-usapang topic na alam niyang sagutin, hindi katulad ng ibang aktor na napapangiwi kami.

Tinanong namin kung anu-anong projects ni Enzo sa GMA at may ilang binanggit siya na hindi nagmarka sa amin at humingi naman kami ng paumanhin at nag-smile siya sabay sabing, “okay lang po, next time na mag-meet tayo, matatandaan na po ninyo.”

Samantala, dream come true pala kay Enzo ang mapasama siya sa first breed category sa Cinemalaya Film Festival na “Sundalong Kanin” mula sa direksyon ni Janice O’Hara kasama sina Marc Abaya, Art Acuna, Peewee O’Hara, Elijah Canlas, Isaac Cain Aguirre, Ian de Leon, Paolo O’Hara, Via Veloso, Nathaniel Britt at marami pang iba.

“Dumaan po ako sa auditions at laking tuwa ko ng mapili ako for this ‘Sundalong Kanin’ kasi ang ganda ng kuwento na during Guerilla time na may mga kuwenton hindi natin alam.

“At kaya ‘Sundalong Kanin’ kasi ‘yung mga bata ang bida na gustong maging sundalo pero hilaw pa at ako kasi ‘yung gusto nilang gayahin. So basically, ang mga bida rito ay ang mga bata, hindi ako,” kuwento ni Enzo.

( bandera.ph fle photo )

Read more...