NAGPADALA ng text message sa Bantay OCW si Nora Ursabia mula Davao City. Araw-araw ‘anya siyang nakakapagbasa ng Inquirer Bandera sa Department of Education-Davao dahil doon siya na-assign ng kanyang agency.
Ayon kay Nora, may kapatid siya sa Dubai. March 2014 pa nagtapos ang kontrata nito ngunit hanggang ngayon ay ayaw itong payagang makauwi ng kanyang amo.
Tinawagan namin siya on-the-air sa Radyo Inquirer at napag-alaman naming nakaka-isang taon pa lamang noon ang kapatid niyang si Maritess at nagpapaalam na pala ito sa kaniyang employer.
Hindi na raw niya matatagalan ang labis na kapaguran sa trabaho. Kayat nakiusap na pauwiin na lang siya. Hindi na raw niya kakayanin ang isa pang taon na na pagtatrabaho. Pero hindi pumayag ang kanyang agenciy dahil kailangan pa daw niyang bayaran ang mga ginastos ng kaniyang employer nang kunin siya sa Pilipinas.
Dahil walang pambayad, nakiusap na lang si Maritess na hanapan siya ng bagong employer. Tatlong araw na siyang nakakaalis sa amo at naglalakad-lakad ito upang maghanap nang mapapasukan nang makita siya ng dating employer.
Pinakiusapan nito si Maritess na bumalik na lamang sa kaniya. Pumayag naman siya. Ang kaso, binawasan ang kanyang sweldo. Ayon sa employer, nagbayad siyang muli sa agency para kunin uli si Marites.
Pero nang usisain ang ahensiya, itinanggi naman nito ang sabi ng employer. Ayon kay Nora, sa kasalukuyan kung kukuwentahin sa Philippine peso, nasa P 40,000 na ang halagang ibinawas kay Maritess. Kung kayat lumapit siya sa atin para masaklolohan ang kapatid na dapat ay noon pang Marso nakabalik sa bansa.
Nakarating na sa ating Bantay OCW partner Labor Attache’ David Des Dicang ang reklamong ito at hihintayin na lang natin ang aksyon ng gobyerno hinggil sa problemang ito.
Samantala, nauna nang ipinadala ni Merasol Tablo sa Bantay OCW ang problema ng kapatid nitong si Josephine Oclarit na nagtatrabaho sa Fujairah, U.A.E.
Expired na ang pasaporte ng kapatid, noon pang November, 2013 ngunit sadyang hindi talaga pinapa-renew ng kaniyang amo dahil ayaw nitong umuwi ang OFW dahil nagustuhan nito ang kanyang trabaho. Wala ‘anya siyang makukuhang kapalit ni Josephine kaya’t ginagawa ng kaniyang employer ang lahat upang hindi ito makauwi.
Ayon kay Labatt Dicang, matapos matanggap ang sumbong ni Merasol, nagawan kaagad ito ng aksyon kayat mapapauwi na rin ang OFW sa August 10, 2014.
Salamat sa mga nakipag-tulungan na agad maresolba ang problemang ito ni Josephine. Hihintayin na lamang natin ang kaniyang pagbabalik sa Pilipinas.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com