Mga Laro Bukas
(The Arena)
2 p.m. Perpetual Help vs JRU
4 p.m. San Sebastian vs Arellano
Team Standings: San Beda (5-0); Perpetual Help (3-0); San Sebastian (3-1); Arellano (3-1); Lyceum (3-2); Jose Rizal (2-3); Emilio Aguinaldo (1-3); St. Benilde (1-3); Letran (1-4); Mapua (0-5)
TINAPOS ng St. Benilde Blazers ang masamang panimula nang pabagsakin ang Letran Knights, 85-71, sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Gumana ang laro ng Blazers mula sa ikalawang yugto at unti-unting iniwanan ang Knights para makuha ang unang panalo matapos ang tatlong sunod na kabiguan.
Si Paolo Taha ay mayroong 24 puntos habang ang mga starters din na sina Mark Romero at Jonathan Grey ay may 12 at 11 puntos at ang off-the-bench player na si Pons Saavedra ay may 10 puntos para sa balanseng pag-atake.
May 16 puntos si Mark Cruz para pangunahan ang apat na manlalaro ng Knights na gumawa ng 10 puntos pataas pero hindi nakita ang init ng koponan matapos na hindi makasama ang coach nitong si Caloy Garcia.
Suspendido sa larong ito si Garcia matapos tawagan ng magkasunod na technical fouls sa natalong laro laban sa Jose Rizal University Heavy Bombers.
Dahil sa kabiguan, bumaba ang Knights sa 1-4 karta at nauna pa sa puwestuhan ang Blazers na nasa ikawalong puwesto na ngayon sa team standings.
Hindi nagkaproblema ang four-time defending champion San Beda Red Lions sa pagkalawit ng kanilang ikalimang sunod na panalo sa 81-55 dominasyon ng Emilio Aguinaldo College Generals sa unang laro.
May 16 puntos si Anthony Semerad mula sa bench habang pinagtibay ng Red Lions ang boxing out para malimitahan lamang sa tatlong offensive rebounds ang Generals tungo sa tagumpay.
Si Arthur dela Cruz ay mayroong 12 puntos at 11 rebounds habang sina Ola Adeogun at Kyle Pascual ay nag-ambag ng 11 at 10 puntos.
Ito ang ikatlong sunod na pagkatalo ng Generals at nahirapan silang sabayan ang Red Lions matapos malimitahan lamang sa single-digit at kabuuang 15 puntos ang mga kamador na sina Noube Happi at Jan Jamon.