P143.4B DAP, saan dinala?

UNCONSTITUTIONAL ang Disbursement Acceleration Program (DAP), sabi ng Korte Suprema sa ruling nito. Ayaw pumayag ng Malacanang, at naghain ng motion for reconsideration noong Biyernes.
Inilabas na rin ng govt website ang listahan ng mga DAP projects na nagkakahalaga ng P144-B.  Hindi naman ito detalyado, at sinasabing magiging “subjudice” ito dahil nasa korte ang kaso. Pag may final decision na raw ang korte saka nila ito ilalabas lahat.
Sa kabila nito, sabi ng mga kakampi ng Malacanang, “maganda raw at nakabuti sa ekonomiya” ang ginastos sa DAP.
Pero, sa simpleng tao, nakakagulat ang halaga ng pera na inilagay sa “discretion” o “lump sum” na kung anuman o saan man ay pwedeng gastahin ni Pinoy.
Oo nga’t tiwala tayo sa kanya, pero paano iyong mga nakapaligid sa kanya na mukha lang matino pero sa mukhang kwarta o mapagsamantala pala? Nakakasiguro ba tayo na di sila katulad nina Ruby Tuason, Gigi Reyes, Pauleen Labayen, Richard Cambe o iba pang bogus NGO na gaya ni Janet Lim Napoles?

Sa hinawakang pera ng Malacanang, talagang malulula tayo dahil mukhang baryang-barya lang ang nakulimbat ni Napoles. Nagdadasal ako na  totoo ang pangako nina PNoy at Budget Sec. Butch Abad na walang anomalya sa DAP .
Ang tanging aasahan nating maghahalungkat at magsisiyasat ay ang Commission on Audit (COA), na ngayo’y kinukwestyon din dahil pati pala sila ay “naambunan” ng DAP, habang ang chairman nito ay  kandidato para maging miyembro ng Korte Suprema.
Hindi po “legal” o “illegal” ang isyu rito.  Ang tanong ay kung saan napunta, paano ginastos, at hindi nakurakot ang malaking pera sa ilalim ng “discretionary fund” o  “lump sum” ng Malakanyang?  Pangalawa, ay kung bakit napakalaki ng “discretionary fund”  o “lump sum”  o “pork barrel” nga ba ito ng  pangulo?

Iba-iba ang figure na ibinibigay ng Palasyo.  Andiyan ang P177-B, tapos P154-B at ang pinakahuli ay P144-B.  Imposibleng hindi ka mapatanong kapag binasa mo ito lalo na ang anim na “items” na ibinigay ng Malacanang sa kanilang website.
Tingnan niyo kung gaano kalaki ang ginastos ng Office of the President.  Noong 2011, DAP 1-inaprubahan Oct. 12 -P67.4B at DAP2  inaprubahan Oct.21 -P 11-B  o kabuuang P77.4-B para sa buong taon.  Pitong beses na mas malaki  ito sa kinurakot nina Napoles at mga senador.
Noong 2012, inaprubahan ang DAP 3 June 27 na may halagang – P21.2 billion; DAP 4 – inaprubahan Sept. 5, – P2.7 billion; DAP 5 – inaprubahan Dec. 21 P33.1 billion; at DAP 6 – inaprubahan June 14 – P9 billion o kabuuang P66 B sa taong 2012 o anim na beses mas malaki kina Napoles.
Merong mga titulo ang mga lump sum funds na ito, pero walang detalye.
Isang independent fact finding commission ang dapat binuo  ni PNoy upang malaman ang puno’t dulo ng kontrobersya na dala ng DAP.
Dapaty iutos din ni PNoy na mag-file ng “leave of absence” si Abad, habang ginagawa ang independent audit.
Hindi ako nagdududa sa “good faith” na ibinabandera ng Malacanang. Pero kung ang paulit-ulit na salita at pangako  ng Palasyo na “maganda’ at nakabuti sa ekonomiya ang mga proyekto ng DAP ay mananatili itong isang pambobola lang hanggat hindi nila ito napatutunayan.

Read more...