GILAS NASUNGKIT ANG IKATLONG PUWESTO

HINDI man nakapasok sa championship round ay may ningning pa rin na nilisan ng Gilas Pilipinas ang 5th FIBA Asia Cup na nagtapos kagabi sa  Wuhan Sports Center sa Wuhan, China.

Sinandalan ng pambansang koponan ang tatlong free throws mula kay Paul Lee sa puntong wala ng oras sa game clock para itulak ang Pilipinas sa 80-79 panalo laban sa host China at angkinin ang ikatlong puwesto.

Ibinigay ni Kelanbaike Makan ang dalawang puntos kalamangan sa China,79-77, nang naipasok ang dalawang free throws sa foul ni Japeth Aguilar sa huling 46 segundo ng laro.

Nagkaroon pa ng pagkakataon ang Chinese team na natalo sa Chinese Taipei, 73-84, sa semifinals, na palawigin pa ang kalamangan nang na-foul si Zirui Wang ni Ranidel De Ocampo para sa dalawa pang free throws.

Ngunit sablay ang dalawang buslo para magkaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na maitabla o maipanalo ang laro dahil hawak nila ang bola sa huling limang segundo ng laro.

Agad na ipinasa ni LA Tenorio ang bola kay Lee na napasabit si Makan habang pumupukol sa  3-point line sabay tunog ng final buzzer. Masakit na pagkatalo uli ito para sa China dahil lumamang na sila ng siyam na puntos, 75-66, sa triple  ni Quan Gu may 4:04 sa orasan.

Tumapos si Lee tangan ang siyam na puntos na nilakipan ng 4-of-5 shooting sa free throw line habang sina De Ocampo, Aguilar, Tenorio, Beau Belga at Marcus Douthit ay may 18, 14, 12, 10 at 10 puntos.

Ang 6-foot-9 naturalized center ay humablot ng 22 rebounds para manalo sa departamento ang Pilipinas, 42-30. Mas maganda rin ang team work ng Gilas sa naitalang 21 assists laban sa 10 lamang ng host country.

Ang panalo ay magandang pangitain sa pagsabak ng Pilipinas sa Asian Games sa Incheon, South Korea habang ang ipinakita ni Lee sa torneo ay magpapalakas din sa posibilidad na masama sa regular lineup sa tropa ni coach Chot Reyes.

Read more...