KINUWESTIYON ng ilang netizens ang pagkapanalo nina Vhong Navarro, Andrea Brillantes at JC de Vera sa nakaraang Yahoo Celebrity Awards 2014 na ginanap nitong Biyernes sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nagulat ang supporters nina Vic Sotto at Ryzza Mae Dizon sa pagkatalo ng dalawang dabarkads ng Eat Bulaga sa mga kategoryang kinabibilangan nila – si Bossing sa Male TV Host of the Year at si Aling Maliit para sa Child Star of the Year. Sina Vhong at Andrea nga ang nag-uwi ng nasabing mga parangal.
Ayon sa ilang komento na nabasa namin, marami pa raw kakaining bigas si Vhong para mapantayan ang galing ni Vic sa pagiging host, samantalang di hamak na mas sikat naman daw si Ryzza kesa kay Andrea.
Idagdag pa riyan ang achievement ni Aling Maliit bilang pinakabatang TV host sa Pilipinas (o maging sa buong mundo).
Pero in fairness may nagtanggol naman kina Vhong at Andrea, sey nila, online voting ang nangyari sa Yahoo awards kaya may chance nga na magwagi ang dalawang Kapamilya stars, mas marami naman daw kasing nanonood sa ABS-CBN kesa sa GMA kaya hindi kataka-taka na mas maraming nanalong taga-Dos kesa sa Siyete.
Bukod pa raw diyan, kung kasikatan din lang ang pagbabasehan, mas sikat at mas kontrobersiyal pa ngayon si Vhong kesa kay Bossing.
Oh, well, siguradong hindi naman bitter ngayon sina Vic at Ryzza, at para sa amin, mas magaling pa rin si Vic bilang host kesa kay Vhong.
‘Yung tungkol naman kay JC de Vera, marami lang ang natawa at nam-bash sa aktor dahil sa pinanalunan niyang award sa Yahoo bilang Male Emerging Star of the Year. Kung sila raw si JC ay hindi nila tatanggapin ito.
E, kasi nga, bakit siya magiging Emerging Star e, ilang taon na siyang artista?! Sumikat na siya noon sa GMA, tapos nagbida na ng ilang beses sa mga serye ng TV5 at ngayon nga ay nasa ABS-CBN na siya kung saan sunud-sunod din ang kanyang proyekto.
Isang malaking sampal daw kay sa aktor ang nasabing parangal. Samantala, big winner naman ang leading lady ni Coco Martin sa Primetime Bida series ng Dos na Ikaw Lamang – si Kim Chiu ang nagwaging Celebrity of the Year at Actress of the Year sa Yahoo awards, idagdag pa ang pagkakapanalo ng KimXi nila ni Xian Lim bilang Fan Club of the Year. Si Coco Martin naman ang tinanghal na Actor of the Year.
Narito ang iba pang winners sa ginanap na Yahoo Celebrity Awards 2014:
Female DJ of the Year: DJ Chacha, MOR 101.9
Male DJ of the Year: Papa Jack, 90.7 Love Radio
FM Radio Station of the Year: 90.7 Love Radio
Song of the Year: “Bakit Ngayon?” by Julie Ann San Jose
Emerging Band of the Year: Yolanda Moon
Band of the Year: Parokya Ni Edgar
Female Performer of the Year: Sarah Geronimo
Male Performer of the Year: Bamboo
Female Hothlete of the Year: Gretchen Ho
Male Hothlete of the Year: Jeric & Jeron Teng
Movie of the Year: Bride For Rent
News Program of the Year: TV Patrol
Teleserye of the Year: Ikaw Lamang
Female TV Host of the Year: Kris Aquino
Love Team of the Year: ViceRylle
Female Kontrabida of the Year: Jennelyn Mercado
Male Kontrabida of the Year: Jake Cuenca
Female Emerging Star: Julia Barretto
Social Media Star: Vice Ganda
Celebrity Family of the Year: Padilla Family
Celebrity Couple: Bea Binene & Jhake Vargas
Ilan sa mga nag-perform sa gabi ng parangal ay sina Maja Salvador, Elmo Magalona, band Spongecola at marami pang iba. The program was hosted by Robi Domingo at Maxene Magalona.
( bandera.ph file photo )