MAGKAKAIBA ang pananaw ng mga nakakausap namin sa mga bagong pasabog ni Claudine Barretto laban sa dati niyang asawang si Raymart Santiago. Ito’y may koneksiyon pa rin sa diumano’y pagiging batterred wife ng aktres.
Nakita namin ang litrato ni Claudine kung saan tadtad ng mga sugat, peklat at paso ng sigarilyo ang kanyang hita. Ipinakita raw ito ng aktres sa isang photo shoot kamakalawa.
Pero tila naduwag naman ang estranged wife ni Raymart na pangalanan kung sino ang gumawa noon sa kanya. Sa report ng 24 Oras, sinabi ni Claudine na hanggang ngayon ay ipinapagamot pa rin niya ang kanyang hita.
Sa interview kay Dr. Acel Ampong-Chicano, isang wound specialist na siyang gumagamot sa mga sugat at peklat ni Claudine, “Highly-pigmented na sobrang itim ‘yung kanyang surrounding.
Ibig sabihin, matagal na… matagal na nangyari iyon. Hindi iyon bago pa lang.” Sey ni Claudine, ayaw niya munang idetalye ang tungkol dito dahil kasama raw ito sa reklamo niyang Violence Against Women and their Children Act laban kay Raymart.
Ayon pa sa aktres, dahil daw sa sobran kahihiyan kaya matagal niya itong inilihim, lalo na sa kanyang pamilya. “Hindi nakita ng pamilya ko. Na-accept ko na, na battered wife ako.
And so, para makatulong din sa iba, lumabas na rin ako,” paliwanag ni Claudine. Ayon naman sa legal counsel ni Raymart na si Atty. Ruth Castelo, wala silang sasabihin tungkol sa mga sugat at peklat ni Claudine, “We’ll address it if she categorically say it’s Raymart.”
At dahil nga rito, mas lalong nabawasan ang pag-asa ng mga nagmamalasakit sa dating mag-asawa na sila’y magkakaayos pa. Akala kasi nila ay tuluy-tuloy na ang pagbabati ng dalawa matapos nga silang magkasama muli at ang kanilang mga ank ba sina Sabina at Santino.
Pero ngayon, desidido na uli si Claudine na ituloy ang laban nila sa korte at magsasampa nga siya ng mga bagong demanda, bukod pa ‘yan sa custody case na dinidinig pa rin hanggang ngayon.
Sey ni Claudine, irereklamo na rin niya si Raymart dahil sa hindi nito pagbibigay ng sustento sa kanilang mga anak, “I think it’s just about time that they (Sabina and Santino) choose na rin talaga who they want to be with.
I asked them and they said they will decide already and tell the judge their decision.” Sabi ng ilang nakakausap naming kampi kay Claudine, nakakaawa raw ang aktres dahil hanggang ngayon ay dala pa rin niya ang trauma sa pakikipagrelasyon kay Raymart.
Pero sabi naman ng mga kampi kay Raymart, mas naniniwala sila na desperada na ang aktres kaya kung anu-ano na ang inilalabas nito.
( bandera.ph file photo )