Talbog ang mga stand-up comedian kay Regine nang sumugod sa Iloilo


Dinumog ng mga Ilonggo ang Kapuso Fans’ Day ni Regine Velasquez-Alcasid hatid ng GMA Regional TV sa SM City Iloilo noong June 27 sa kagustuhan nilang mapanood nang live at makita nang personal ang Asia’s Songbird—at higit pa rito ang nakuha nila dahil nakilala rin nila ang kwelang side ng singer.

Isang bonggang opening number ang bumungad sa mga manonood na pinangunahan ng Songbird impersonator na si Ate Redge kasama ang mga Regine sing-alike at look-alike.

Lahat ay naghihiyawan para sa kanya-kanyang bet habang nagpatalbugan naman ang mga kalahok. Nang tumapak sa stage si Regine, isang nakabibinging palakpakan at pagbati ang sumalubong sa kanya.

Hindi rin napigilan ng mga manonood na makikanta sa bawat awiting binirit niya. Nadagdagan pa ang tuwa ng audience dahil sa pagpapatawa ng Songbird mismo bilang intermission sa kanyang song numbers.

Hindi lang kasi siya kumanta, game na game din siyang nakipagbiruan at nakipagtawanan kay Ate Redge, sa contestants, at maging sa kanyang mga tagahanga.

Maging ang batikang direktor na si Gina Alajar, na nasa Iloilo rin para sa audition ng nagbabalik na 80s drama series na Yagit, ay hindi napigilan ang pagtawa habang pinanonood ang mga kwelang banat ni Regine.

Ibinahagi naman ng Songbird na talagang na-e-enjoy niya ang makasama sa regional trips ng GMA dahil dito ay nabibigyan siya ng pagkakataon na makita at mapasalamatan ang kanyang supporters kahit nasaan mang bahagi ng bansa sila naroroon.

“It’s a good thing I that get to tour different parts of the country while having a fans’ day too. Umiikot talaga kami pero hiwa-hiwalay. It’s a monthly thing. Minsan dalawa,” ani Regine.

Simula noong unang bahagi ng 2014, dinayo na ng famous Kapuso singer ang Davao, Dagupan, Vigan, at Boracay bago bisitahin ang Iloilo.

“So habang wala akong soap ito ‘yung ginagawa ko. More than 10 na ‘yung naka-line up na Kapuso Fans’ Day. It’s exciting,” masayang sabi ni Regine na looking forward na sa susunod pa niyang trip sa magagandang lugar sa Pilipinas.

( Photo credit to EAS )

Read more...