Daniel, Kathryn laging may bantay pagnagde-date

OKAY lang kina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na laging may “bantay” kapag sila’y nagde-date. Alam n’yo ba na never pa palang lumabas o gumimik ang dalawang bagets nang silang dalawa lang?

Yes, sa tuwing nagde-date sila – kakain sa labas o manonood ng sine, palagi silang may kasamang chaperone, ito’y sa kabila nga ng katotohanan na pareho na silang of legal age ni Daniel.

Pero kahit nga ganito lagi ang eksena, wala raw angal si Daniel. At para naman kay Kathryn, hindi ito isang paghihigpit ng kanilang mga magulang.

“Kasama si mama parati. Plus one palagi si mama or si tito Dho (personal assistant ni DJ), hindi puwedeng kaming pareho lang,” ayon kay Kathryn.

Pero kahit na hindi nila nasosolo ni Daniel ang mga sandaling magkasama sila sa mga lakaran, nae-enjoy pa rin nila ang bawat sandali, lalo na raw kapag nasa ibang bansa sila ng binata.

“Marami kasi kaming mga memories ni DJ kasi feeling ko may mga bagay kaming nagagawa na first time together like yung pag sa out-of-the-country merong mga places kaming napupuntahan na dream talaga namin.

Kahit dito may mga nangyayari sa amin na first time lang. “So marami pa with DJ kasi feeling ko si DJ rin naman yung pinaka-close ko among the other boys sa showbiz so mas kumportable ako sa kanya.

Specifically siguro memorable nu’ng nag-Hong Kong kami, nu’ng sa Macau nag-Skywalk kami kasi ako na-a-appreciate ko yung mga little efforts ng guy, na kahit hindi yun super grabe natatandaan ko na talaga.

“So ganun si DJ, marami siyang mga efforts na talagang feeling mo girl na girl ka. So tatandaan ko yun lahat,” ngiti pa ng dalaga.

Kahapon nag-showing ang latest movie nila ni Daniel na “She’s Dating The Gangster” pero bigla ngang nanalasa ang bagyong Glenda kaya marami sa mga fans ng dalawa ang hindi nakapanood sa first day nito.

Habang sinusulat namin ang item na ito ay wala pang official announcement ang Star Cinema kung ano ang naging resulta ng unang araw ng pagpapalabas ng nasabing pelikula.

Pero sana nga mas maganda na ang panahon ngayon para kung hindi nakasugod ang KathNiel fans sa mga sinehan kahapon, ngayon sila magpipiyesta para manood ng pinakahihintay nilang kilig movie.

( bandera.ph file photo )

Read more...