Harden, 4 pa, lalaro sa Gilas last home stand

IPINASOK pa sina James Harden ng Houston Rockets, Tyson Chandler ng Dallas Mavericks at Brandon Jennings ng Detriot Piston sa listahan NBA stars na darating sa bansa para sukatin ang lakas ng Gilas Pilipinas national team sa Hulyo 22 at 23 sa Smart Araneta Coliseum.

Ang tatlong ito ay pinangalanan kahapon ni SBP president Manny V. Pangilinan kasama sina Terrence Ross ng Toronto Raptors at Ed Davis ng Memphis Grizzlies para makumpleto ang 12-man lineup ng Team Fibr All-Stars.

“WOW! Completing our Fibr AllStars is 1st Team All-League guard James Harden w Tyson Chandler & Brandon Jennings.. Game na!”  tweet ni Pangilinan.

Kamakalawa ay binanggit pa ni Pangilinan ang pangalan ni Indiana Pacers All-Star guard Paul George para isama kina 2014 Finals MVP Kawhi Leonard ng San Antonio Spurs, Blake Griffin ng Los Angeles Clippers, Demar DeRozan at Kyle Lowry ng Toronto Raptors, Nick Johnson ng Houston Rockets at Damian Lillard ng Portland Trail Blazers  na lalaro sa back-to-back  exhibition games  na tinaguriang Gilas Last Home Stand.

Sina George, Griffin, DeRozan at Lillard ay kasama rin sa 19 na manlalaro na pinangalanan ng USA para siyang paghugutan ng ipadadalang players sa FIBA World Cup kaya’t magkakaroon ng pagkakataon ang Gilas na masukat ang magiging kompetisyon sa Spain.

Ito ang ikatlong pagkakataon para kay Harden na maglaro sa Pilipinas dahil kasama siya ng NBA All-Star team na pinangunahan  nina Kobe Bryant, Derrick Rose, Chris Paul at Kevin Durant na naglaro kontra Gilas noong 2011.

Nakasama rin si Harden sa kauna-unahang NBA pre-season game na ginanap Pilipinas nang kaharapin ng  Rockets ang Pacers noong isang taon sa Mall of Asia Arena.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...