Wala na kaming masabi sa suporta ng fans nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa ginanap na premiere night ng “She’s Dating The Gangster” kagabi dahil sa tatlong sinehan ito ginanap.
Tsika sa amin ng ilang supporters ng KathNiel, “Excited po kami Ms. Reggee kasi tatlong sinehan ang gaganaping premiere night ng ‘She’s Dating The Gangster’ at least marami kaming fans na makakapasok at makakapanood.
“Nag-aalala po kami kasi baka hindi ma-accommodate ‘yung iba kasi limited seats lang, kaya nakakatuwa po kasi tatlong sinehan. Sana nga po matupad ang sinabi n’yo na malampasan namin ‘yung P430 million ng Starting Over Again.”
Inalam namin ito sa taga-Star Cinema kung ngayon lang nangyari sa kanila na tatlong sinehan ginanap ang premiere night ng pelikula nila.
“Yes, but only because the two cinemas are sponsored/branded,” sabi sa amin ng isa sa bossing ng nasabing movie outfit.
Inamin din ng kausap naming taga-Star Cinema na na-pressure sila sa sinasabi naming posibleng maungusan nga ng “SDTG” ang “SOA”.
Kaya aalamin namin ngayong araw kung nakamagkano ang “She’s Dating The Gangster” sa first day nito sa mga sinsehan.
Ipinagdarasal din ng fans ng dalawang bagets pati na rin ng Star Cinema na hindi makaapekto sa box-office result ng pelikula ang pagdating ng bagyong Glenda na nagsimula nang manalasa kahapon at inaasahan namang darating sa Metro Manila ngayong umaga.
( Photo credit to EAS )