Gilas wagi sa Singapore


SINANDALAN ng Gilas Pilipinas ang trabahong ipinakita ng mga bench players para sungkitin ang ikalawang sunod na panalo sa 5th FIBA Asia Cup sa 74-57 panalo sa Singapore kahapon na ginanap sa Wuhan Sports Center sa Wuhan, China.

Sina Paul Lee, Garvo Lanete, Kevin Alas at Anthony Washington ang mga nagtulung-tulong upang ang 11-10 iskor ay naging 25-12 kalamangan at mula rito ay hindi na nilingon pa ang Singaporeans na nalaglag sa 0-2 karta.

May 10 puntos si Lee katulad ng ginawa ng starter na si Gary David habang ang iba pang bench players na sina Lanete, Alas, Beau Belga ay nagsanib sa 23 puntos.

Ginamit lahat ni coach Chot Reyes ang 12 manlalaro at ang ibinabad ay si Lanete na nabigyan ng 22 minutong playing time para maipreserba ang lakas ng mga ito sa pagharap ngayon sa Jordan sa ganap na alas-5:15 ng hapon.

Si Marcus Douthit ay hindi pumuntos sa nasabing laban sa 15 minutong paglalaro at tila inihahanda ang sarili sa Jordan para mahawakan ng Pilipinas ang unang puwesto sa apat na koponang Group B.

 

Read more...