UE, FEU pinadapa ang UP, LA SALLE

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. Ateneo vs
Adamson
4 p.m. NU vs UST

SUMANDAL ang Far Eastern University sa pag-iinit ni Mike Tolomia sa second half para suwagin ang nagdedepensang kampeon La Salle, 82-77, sa pagsisimula ng aksyon sa 77th UAAP men’s basketball tournament na nagbukas kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Nalimitahan sa tatlong puntos sa first half, si Tolomia ay gumawa ng 20 puntos sa huling 20 minuto ng labanan at 13 rito ay pinakawalan sa huling yugto para maagaw ng Tamaraws sa Green Archers ang panalo.

Dalawa sa apat na  3-pointer sa laro ay ginawa ni Tolomia sa huling yugto at ang una rito ang nagbura sa 67-69 iskor habang ang ikalawa ay nagtulak sa FEU sa 75-71 kalamangan.

Pinalamig din ni Tolomia ang paghahabol ng Archers mula sa magandang pasa sa libre sa ilalim na si Bryan Cruz para ibigay sa koponan ang 81-77 bentahe sa huling 29.2 segundo ng laro.

Si Mark Belo ay naghatid pa ng 20 puntos, 13 rito ay sa first half niya kinamada, habang sina Russel Escoto at Cruz ay nagtambal sa 24 puntos.

Pinawi ng panalo ang pagkatalo ng FEU sa La Salle sa Final Four noong nakaraang taon bukod sa pagpapakita na palaban pa rin ang bataan ni coach Nash Racela kahit wala na ang mga dating Most Valuable Players na sina RR Garcia at Terrence Romeo.

Sina Almond Vosotros, Jeron Teng at Jason Perkins ay may 18, 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Archers na hindi napanatili ang malakas na panimula na kung saan iniwanan nila ang FEU ng 13 puntos, 23-10, matapos ang first period.

Nagparamdam din ang host University of the East na magiging palaban sa taon sa pamamagitan ng 87-59 panalo sa University of the Philippines sa unang laro.

Ang bench ang siyang nagdala sa panalo sa koponan nang naghatid ang mga ito ng 49 puntos para bigyan ng mainit na pagsalubong ang bagong Red Warriors coach pero beteranong coach na si Derrick Pumaren.

Si Dan Alberto ay may 15 puntos, kasama ang limang tres, mula sa bench para pangunahan ang apat na Red Warriors na nasa doble-pigura.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...