INAMIN mismo ng TV5 head for entertainment na si Ms. Wilma V. Galvante na magko-concentrate muna sila sa PBA dahil ito raw ang malakas ngayon kaya wala munang teleseryeng mapapanood sa Kapatid network maliban sa Jasmine ni Jasmine Curtis tuwing Linggo.
Say ni Ms. Wilma, “Pumasok na rin kasi ‘yung PBA, kaya in time more in sports kami pero pagdating ng 9 p.m., mayroong Koreanovela. We’re taking advantage of the popularity of the games.”
Dagdag pa ng TV5 executive, “Wala munang drama. Kasi if you’re not consistent with giving it the block, then hindi siya magre-register, di ba?
Ganu’n ‘yung drama viewing, but PBA, the games have their own viewers at malaking volume ng viewers ang nakukuha ng PBA.”
Aminado rin siya na may mga programa silang nagri-rate at kumikita, pero kailangan nilang tapusin na in favor of PBA, “Kung ako ang tatanungin mo, di ba, ‘yun ‘yung ating expertise, but you will always give way to what is the best programming for the network.
“Hindi naman sinasabing wala na ‘yan (mga programang nagri-rate), you just have to take advantage of what is strong for you at this point in time, this is business,” katwiran pa.
Hindi diretsong inamin sa amin na hindi nag-rate ang Showbiz Police kaya ito nawala kundi may inaayos lang daw, hindi lang alam kung kailan ibabalik.
“Sa ngayon, ang showbiz nakapaloob na lang sa news, sa Aksyon kaya okay naman si MJ (Marfori), in fact ako, gustung-gusto ko ang development and growth ni MJ sa industriya kasi na build niya ‘yung credibility niya.
Mahusay siya, eh, even on cam, ‘yung pakikitungo niya, pakikipag-interact niya sa mga artista, respectable, she’s able to draw out the issues. Sabi ko nga sa sandaling time, Showbiz Police ‘yung nag-push sa kanya, di ba? And asset siya for TV5,” sabi ni Ms. Wilma.
Samantala, ayaw nang mag-react pa ni Ms. Wilma sa hindi pagkakatuloy ni Ryan Agoncillo bilang host ulit ng Talentadong Pinoy nang hindi ibigay ng management ang hiniling nitong gawing hanggang December ang show at same staff pa rin.
“Choice niya (yun), at the end of the day, decision ng talent to do the project or not. How he handles it. Kanya (Ryan) ‘yun, wala kaming control do’n, but I always say na it’s the decision of the talent kung gusto niya gawin ito o ayaw niya.
At kung gusto niya mag-stay o ayaw niya. “Ayoko nang mag-opinion tungkol sa emotions kasi sa industriya natin di ba, bakit ka maiinis (magtatampo) para saan? When our business is to produce programs, our business is to produce entertainment content for the viewers, that’s where I always come from, so whether mainis ka o magalit ka o magsabi ka na lahat na ibinigay sa ‘yo, ayaw mo pa rin, wala na ‘yun.
I think that’s the better way of dealing with it,” katwiran sa amin. Tungkol naman sa muling pagbabalik ng Amazing Race ni Derek Ramsay, aminado ang TV5 head na ito pinakamagastos nilang show ngayon.
“Amazing Race is really expensive even from season one kasi naka-franchise ito sa Disney TV, tapos nila-line produce ito ng foreign team who is really the designated team to mount Amazing Race anywhere in the world with any country,” say sa amin.
In fairness, kumita raw ito, “Nabawi naman (puhunan ng season one) saka maganda ang ratings, otherwise, we won’t do it again.” Mapapanood ang Amaring Race pitong beses sa isang linggo at hanggang Disyembre raw ito tatagal na magsisimula sa huling linggo ng Setyembre, 9 p.m..
“Ang dami ngang nag-audition, Manila leg na kami, tapos na sa provinces, tapos sa Reliance (main office ng TV5), may mga celebrities din kasing gustong mag-audition, so they have to go through the same process,” kuwento pa ni WVG.
Samantala, natanong din namin ang TV5 executive tungkol sa pagbagsak ng talent fees ng mga taga-production na noo’y okay naman at may sobra pa ng konti sa pang-araw-araw na gastusin.
Medyo sumeryoso ng tingin sa amin si Ms. Wilma, “Bumaba ang talent fee ng mga staff? Hindi siya bumaba, ini-standardize lang, based on industry rates. Decision ‘yun ng network, it’s a business decision,” paliwanag sa amin.
( Photo credit to ryan agoncillo official fanpage )