James paliligayahin ang Italian GF sa Europe

JAMES YAP AT MICHELA CAZZOLA

Grand Slam Champions ng 39th PBA Conference ang koponan ng tinanghal na MVP ng ginanap na salpukan nila ng Rain Or Shine na si James Yap.

Matindi ang laban, hanggang sa huling sandali ay nakabitin ang hininga ng manonood, dahil tatlong puntos lang ang kanilang kalamangan sa kalaban.

Halimaw talaga ng hardcourt si James Yap. Basta nahawakan niya ang bola ay parang turun ‘yun na papasok sa busluan, magaling talaga ang ama ni Bimby, dapat lang siyang bigyan ng pagpapahagala sa kanyang mga ipinakikitang pagsasakripisyo para sa kanyang team.

Siyempre’y nakasuporta sa lahat ng laban ng kanyang koponan si Michaela Cazzola, ang Italyana niyang karelasyon na isa sa mga hinandugan niya ng kanyang MVP award, kapansin-pansin na nakalimutang banggitin ni James ang pangalan ni Bimby pero bumawi naman siya nu’ng nasa dugout na ang tropa para sa kanilang selebrasyon.

Ayon kay Michaela ay magpapalipas lang nang ilang araw pa si James at pagkatapos ay bibiyahe na sila papuntang Europe, du’n daw sila magbabakasyon nang ilang linggo, dapat lang daw namang premyuhan ang ginawang pagsasakripisyo ng basketbolista.

Kasama ni Michaela sa panonood nu’ng championship ang pamilya ni James Yap na lumuwas pa mula sa Escalante, Negros Occidental, may plano silang mag-bonding muna bago bumalik sa probinsiya, hindi kasi nakakasama nang madalas ng kanyang pamilya si James.

Naturingang halimaw ng hardcourt, pero walang kayabang-yabang ang MVP, nananatili siyang mapagkumbaba at mahal siya ng kanyang mga kasamahan dahil wala siyang angas kahit kailan.

Hanggang ngayon ay bitbit pa rin ni James Yap ang pagiging humble, hindi siya naimpluwensiyahan ng kahit sino, ang naturalesa talaga ng tao ang palaging lumulutang kahit sa pinakamataas niyang tagumpay.

Read more...