ISANG kababayan natin ang nagkuwento ng kaniyang mapait na karanasan sa Saudi Arabia nang dukutin ‘anya siya at puwersahang isinakay sa isang taxi nang tatlong kalalakihan doon habang naghihintay siya ng masasakyan papauwi sa kaniyang tinutuluyan.
Dinala siya sa disierto at doon umano halinhinan siyang ginahasa, at saka iniwan.
Kinabukasan na siya nakabalik sa kaniyang bahay at hindi niya masabi kahit ang karanasang sinapit. Ni hindi niya mabanggit sa kaniyang kaibigan. Madalas kasi siyang tinatakot ng mga kaibigan na dapat siyang mag-ingat dahil maputi siya at walang balahibo, kaya’t babae ang tingin sa kaniya sa Saudi.
Tinapos na lamang ni kabayan ang kaniyang kontrata at umuwi na ng Pilipinas. May girlfriend siyang nakatakdang pakasalan sa kaniyang pagbabalik.
Nagdalawang-isip na rin siya kung pakakasalan ang girlfriend. Ngunit naganap pa rin ang kasalan. Ngunit ramdam niyang hindi na siya ang dating boyfriend ng kasintahan. Dama niya na napakarumi niya. Kung kaya’t hindi niya halos magawang lambingin ang asawa.
Takang-taka naman ang bagong misis. Gayong kakakasal lamang nila, ramdam niyang napakalamig sa kaniya ng asawa. Hindi naman niya ito matanong kung bakit. Nagpapakiramdaman lamang sila.
Hanggang isang araw, napagdesisyunan ng OFW na tumawag sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer at inilahad ng buung-buo ang kanyang dinanas sa Saudi Arabia.
Hindi na namin sasabihin ang kaniyang pangalan.
Sa aming panayam sa kanya, humahagulgol nang todo ang ating kababayan dahil iyon ang unang pagkakataon na nailabas ang kanyang lihim — ang kaniyang dinanas sa kamay ng mga nang-abuso sa kaniya. May asawa na ‘anya siya at hindi rin niya masabi sa misis ang tunay na dahilan nang kaniyang panlalamig sa takot na hindi siya nito maunawaan at baka magmitsa pa ito ng kanilang paghihiwalay.
Walang kaalam-alam ang ating kabayan na nakikinig pala si misis sa aming programa nang mga sandaling nakasalang ang kaniyang mister. Kaya’t nang umuwi ito sa kanilang tahanan, gulat na gulat ang lalaki nang salubungin siya ng yakap ng misis.
At tanggap niya anuman ang nangyari sa kaniya.
Ramdam naman ‘anya ni misis na may problema ngunit ayaw lamang nitong magtanong at baka hindi niya kayanin kung anong mapapakinggan niya.
Matapos ang araw na iyon nangako sila sa isa’t isa na magtutulungan at lilimutin ang masakit na kahapon.
Muling tumawag ang ating OFW at nailahad ang magandang resulta ng pagtatapat na iyon sa radyo. Salamat at naging bahagi ang Bantay OCW na maisaayos ang kanilang relasyon habang maaga pa.