PNoy hindi genius, hindi rin naman stupid

KUNG isa ka sa nagtatanong na kung may mali o kulang ba sa pamamalakad at pamamahala ng bansa ngayon ni Pangulong Aquino, ang una raw na dapat na tanong ay kung handa ba talaga siyang pamunuan ang bansa sa simula pa lang.

Ang nagsabi nito ay si dating Tarlac Governor Margarita “Tingting” Cojuangco, tiyahin ng pangulo. For the record, “not in speaking terms” ang magtiyahin. Abril pa nang huli silang nagkausap, at ito ay sa pamamagitan ng text lang.

I had lunch with Tingting.  Yung usapan namin ay nauwi tungkolsa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
She is family after all and her thoughts and opinion on how the president is running the country right now carries weight.
“You could write about it, this is on record,” paniniyak niya sa atin nang maitanong ko kung pwede bang isulat ang lahat ng sasabihin niya laban sa pamangkin.

vvv

Sa tanong kung handa ba si PNoy na pamunuan ang bansa, isang matunog na sagod ang namutawi kay Tingting:  Hindi.
At sa tanong kung may nalalaman ito tungkol sa DAP — hindi man daw ganap na handa ang pamangkin, hindi siya naniniwala na walang kinalaman o nalalaman ang pangulo sa kung paano nabuo at sa kung saan ginamit ang pondong inilabas sa DAP.

“He is not a genius but he is not stupid. He makes decisions. He was congressman and senator, he knows what is and what is not in accordance with the Constitution,” pahayag ni Tingting, misis ng dating kongresistang si Peping Cojuangco.

Dagdag pa ng tiyahin ng pangulo, hindi maaaring good faith ang gawing batayan sa anumang paglabag sa batas.

vvv

Batay sa kanyang personal na karanasan sa pamangkin nang ito ay pangulo na, nagpapasya ito sa Kung ano lang ang nalalaman nito na maaaring hindi buo o salat sa kabuuang larawan upang makapagpasya sa kung ano ang tama.

“He thinks he knows it all and you cannot tell him or explain anything to him that he doesn’t want to understand or even listen to.”

Kung pinirmahan ng pangulo ang budget release sa DAP, ito ay dahil sa nauunawaan ng pangulo ang dokumentong kanya nang nilagdaan…yun ang paniwala ni Tingting.

Si Tingting at ang mister na si Peping ay minsan nang naging bahagi ng mga pagkilos laban sa nakaupong pangulo.

vvv

Isa pang kuwento ang ibinahagi pa sa akin ng tiyahin ng pangulo, isang kuwentong alam daw ng kanyang pamangkin, isang pasya ng pagpaparaya niya aniya alang-alang sa kanyang pamangkin.

“I gave way and gave up the opportunity to be governor again in 1998 for his sake. Hindi maaaring matalo sa Tarlac ang anak ni Ninoy at Cory…and in the midst of dirty and corrupt politics then, I had to give way so he could get the votes he needed to win. I told him about it and he just said, “Ganun ba?” and just stood there and kept quiet.

Bribery o bilihan ng boto sa Tarlac ang kuwentong binabanggit ni Tingting noong 1998, na ang nakinabang umano dahil sa kanyang pagpaparaya ay ang kanyang pamangkin na nakaupong pangulo ngayon. Bakit niya naalala ang kuwento? May pagsisisi ba sa pagpaparayang minsan niyang ginawa para sa pamangkin?

Eto lang ang kanyang naging sagot: “I have no regrets. He doesn’t care about that then and he doesn’t care about us. I just hope he cares enough for the country.”

Read more...