NANGAKO sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli na hanggang sa pag-amin lang ang pwede nilang ibahagi sa kanilang fans, kaya humihingi sila ng pang-unawa kung maging “maramot” man sila sa iba pang detalye sa estado ng kanilang relasyon.
Ayon kay Sarah, umamin siya na boyfriend na niya si Matteo dahil naniniwala siya na karapatang malaman ito ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanya – ang ibahagi sa mga ito kung gaano siya kasaya ngayong meron nang isang lalaking nagmamamahal sa kanya at mahal na mahal niya.
Sa interview ni Toni Gonzaga kay Sarah sa The Buzz last Sunday, sinabi nitong umaasa siya na si Matteo na nga ang huling lalaki sa buhay niya. Aniya, “Ako siyempre kapag nagmahal ka ng isang tao, lagi mong tinitingnan ‘yun na worth keeping.”
Sa tanong kung anong meron si Matteo na talagang nagustuhan niya, “Si Matt kasi matiyaga siya.” Pero sabi nga niya, hanggang du’n lang ang maaari niyang i-share sa publiko, “Yun ang parang hindi ko na maibigay na details pa. Sabi ko sa sarili ko, oo aaminin ko pero ‘yung details sana sa amin na lang.”
Hirit pa ng dalaga, “Sabi ko i-admit na tapos ‘yun na, wala ng follow up na questions. Para hindi rin sabihin ng mga tao na itong si Sarah, puro deny.
Hindi rin kasi naiintindihan ng lahat kung ano yung pinagdadaanan natin, kung ano ‘yung rason kung bakit kailangan pribado muna. Kumbaga ‘yung actions namin, lumalabas naman kami, hindi naman kami nagtatago.”
Sey ni Sarah, nag-decide siyang aminin ang relasyon nila ni Matteo para matigil na ang kung anu-anong intriga sa kanila, aniya, “Mag-26 na ako, parang na-realize ko lang sa sarili ko na it’s time to decide na maging normal, maging normal na tao, na babae, maging normal sa emosyon ko.
There’s nothing wrong with it.” At siyempre, mawawala ba sa eksena ang mga istriktong magulang ni Sarah, sabi ng Pop Princess, nagpapasalamat siya sa suporta ng mga ito sa relasyon nila ni Matteo, “Ang parents kasi hindi natatapos ang kanilang pagpapaalala, especially tayo babae eh kasi sa mga lalaki walang mawawala, eh. Kailangan talaga alam natin kung paano pag-ingatan ang mga sarili natin.
“Of course, we are not perfect. Tao rin tayo, mga babae tayo and part of loving is talagang being with that someone. Iba talaga na kasama mo siya. Pero importante na matutunan mo yung self-control.
Unang una sa lahat, yung faith mo sa Diyos na hindi dapat minamadali ang mga bagay bagay,” dagdag pa ni Sarah na obviously, ang tinutukoy ay ang isyu ng pre-marital sex.
( Photo credit to EAS )