ANG sinungaling ay kapatid ng magnanakaw. Ang lumang kasabihang Tagalog na hanggang ngayon ay ginagamit. Ang kasabihan ay ginamit pa nga nina Susan Roces at Sen. Benigno Simeon Aquino III, na naghain ng Senate Bill no. 3132, na layong pigilan si Pangulong Arroyo o Executive Department sa paggamit ng savings ng mga ahensiya ng gobyerno, o ng pangkalahatang pamahalaan, nang hindi dumadaan at pumapayag ang Kamara at Senado. Galit na sinabi iyan ni Roces kay Arroyo dahil sa, aniya, ay lantarang dayaan sa halalan para matalo ang kanyang asawa, na di naglaon ay namatay. Bukod sa sinungaling ay magnanakaw din si Arroyo dahil ninakaw nito ang boto ng taumbayan, na inalmahan ng mga Cebuano, na nagbigay ng tatlong milyon boto kay Arroyo. Teka. Di ba’t noong kampanya ng halalan ay ikinampanya nina Noynoy, Cory at Kris si Gloria? Hmmph. Tsk-tsk-tsk.
Nang ideklara ng Korte Suprema na ilegal ang DAP ng Ikalawang Aquino, hindi nagsampa ng motion for reconsideration si Aquino, o ang Malacanang, o nagbanggit ng ganoon na nga ang estudyanteng mga tagapagsalita (sa tasa ni Joker Arroyo, o Arroyo iyan ah at kaibigan ni Cory!), o mismong si Florencio Abad, na nakapagtatakang matagal at labis ang pananahimik, na mistulang inurungan ng dila (huwag naman sana), pero sa madamdaming pagkalas ng Hyatt 10 ay mabilis at matatas ang pagkondena sa pagnanakaw at katiwalian ni Gloria Arroyo. Bakit hindi sila nagsampa ng motion for reconsideration? Bakit hindi nila kinontra ang desisyon ng mga mahistrado, kabilang din ang mga mahistrado na hinirang ni Aquino? Kahit ang nag-aaral ng abogasya ay magsasabing MR ang remedyo; pero alam din ng estudyante ng abogasya na di remedy ang MR kung nabutata. Kapag nabutata ay tulala. Kapag tulala ay susungkit ng paliwanag sa kisame ng butiki, magiging mahinahon at malambot at sasabihing “in good faith.”
Good na nga faith pa? Pasensya na dahil hindi alam ng arawang obrero, ng taumbayan, ang tinutukoy na “good faith” ni Edwin Lacierda (ikaw na naman!?), isa sa itinuturing ni Arroyo (Joker) na estudyante.
Pero, kumakanta ng “Estudyante Blues” si Aquino, kung babalikan ang kasayahan nang siya’y manumpa bilang halal na pangulo, at tinawag pa ang arawang obrero at mahihirap na: kayo ang boss ko! Pasok Justice Antonio Carpio, sa kanyang 27 pahinang opinyon: “The president disregards the specific appropriations in the General Appropriations Act (GAA) and treats the GAA as his self-created all-purpose fund, which he can spend as he chooses without regard to the specific purposes for which the appropriations are made in the GAA.”
Anang kanta ni sadik Freddie Aguilar: ako ang nakikita, ako ang nasisisi… Marahil ay hindi naman kumakanta si Carpio ng katha ni Aguilar pero hindi lamang sinisi ni Carpio si Aquino kundi lantaran pang inakusahan ng pangwawaldas, sa sandali na kanyang maisipan, ng pera ng arawang obrero, ng taumbayan. Ilegal nga ang ginawa ni Aquino. Pagnanakaw. Masakit na salita ba ang pagnanakaw? Eh hindi naman angkop kung gamitin ang salitang pangungupit.
Sa linya ni Carpio, hindi maaaring magmaang-maangan si Aquino dahil ikukulapol sa kanya ang Senate Bill no. 3132. Obra maestra ni Aquino ang Senate Bill no. 3132. Hindi niya alam ang kanyang ginagawa sa DAP? Pero, patunay ang Senate Bill no. 3132 na hindi dapat payagan ang pangulo (si Gloria Arroyo noon) na paglaruan at ilipat ang pera ng arawang obrero, ng taumbayan, sa nais niyang paglilipatan.
Nagulantang si Justice Brion, sa kanyang 60 pahinang opinyon, na itinuring ni Abad ang DAP na legal at katig sa Saligang Batas dahil nang humarap ito sa mataas na tribunal, sinabi nito na “there are indicators showing that the DBM secretary might have established the DAP knowingly aware that it is tainted with unconstitutionality.” Kung gayon, noon pa lang ay alam na ng Malacanang na olat na sila sa Korte Suprema. Kaya pala, at malinaw, na simula noon, ay ibinabad na suka ang mga pahayag ng mga tsuwariwap sa Malacanang, na pinagsasalitan lamang ng tinig na tila nagmumula sa malalim na hukay sa sementeryo. Awooo! Alulong ng aso. “Armed with this knowledge – Abad as a lawyer and 12 years of experience behind him as a congressman – it is not hard to believe that he can run circles around the budget and its processes, and did, in fact, purposely use this knowledge for the administration’s objective of gathering the very sizeable funds collected under DAP,” ani Brion. Aray! Ang sakit. Napakasakit. Tuwirang sinaksak si Abad, na buhay pa.
Ang hinirang ni Aquino na si Marvic Leonen ay nagrekomenda pa na ipadala sa Comission on Audit ang mga ginasta sa DAP at idiniin na ang mga ebidensya na isinumite ng Malacanang ay suriin para aksyonan. Sa tropa ng mga holdaper sa kalye Liko sa Santa Cruz, Maynila, ang tawag dito ay laglagan. Meron ngang malalaglag. At iyan ang inaabangan ng taumbayan.
Pero, sa SONA (state of the nation address), hindi malalaglag si Aquino, kundi ang tatlong haring nakakulong at ang reyna na hindi pa pinuputungan ng Corona.
3 hari at 1 reyna
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...