Brazil umabante sa FIFA World Cup semis


FORTALEZA, Brazil — Umabante ang Brazil sa World Cup semifinals sa unang pagkakataon makalipas ang 12 taon matapos makagawa ng mga goal ang mga defenders na sina Thiago Silva at David Luiz tungo sa 2-1 panalo sa Colombia kahapon.

Ang Brazil, na napatalsik sa quarterfinals sa huling dalawang World Cups ay makakaharap ang Germany sa Martes sa Belo Horizonte.

Ibinigay ni Silva sa Brazil ang kalamangan sa ikapitong minuto matapos makaiskor mula sa corner pass ni Neymar na nakalusot sa depensa ng Colombia.

Ipinagdiwang naman niya ang goal sa pagturo ng sagisag sa kanyang jersey at pagsigaw ng “This is Brazil, this is Brazil.”
Idinagdag naman ni Luiz ang kanilang ikalawang goal sa pamamagitan ng free kick sa ika-69 minuto kung saan tumira siya ng palikong long-range shot patungo sa itaas ng net.

Nakagawa naman ang Colombia ng goal sa ika-80 minuto. Ginawa ni James Rodriguez ang kanyang tournament-leading na ikaanim na goal mula sa penalty spot matapos na pabagsakin ni Brazil goalkeeper Julio Cesar ang substitute na si Carlos Bacca.

Sinubukan ni Rodriguez na kontrolin ang takbo ng laban sa Arena Castelao subalit ang Brazil pa rin ang mas nakagawa ng maraming pagkakataon na makaiskor sa kanilang tunggalian.

 

Read more...