SA pagkakadiin kay Budget Secretary Florencio “Butch” Abad sa kontrobersyal n isyu ng Disbursement Acceleration Program o (DAP), kapansin-pansin ang pananahimik niya sa kabila ng kaliwa’t-kanang panawagan na siya ay magbitiw o sibakin na sa puwesto.
Ilang beses na bang nasangkot si Abad sa malalaking kontrobersiya?
Nang idawit siya sa pork barrel scam, agad-agad niyang itinanggi na may kinalaman sya rito.
Ngayong nagsalita na ang Korte Suprema na unconstitutional nga ang DAP, pinili niyang manahimik dahil hindi niya maikakaila na siya naman talaga ang pasimuno nito.
Gaya nang inaasahan, todo depensa naman ang Malacanang kay Abad. Bukod sa problema nila.kay Abad, hindi rin nila maitatanggi na malaking dagok ang naging desisyon ng Kataastaasang Hukuman sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.
Paano kasi ipagmamalaki ang mga proyektong ginastusan ng DAP, gayong ilegal naman pala ang paggamit nito?
Sa harap ng pagiging bagahe ni Abad sa administrasyon, mananaig pa rin ba kaya kay PNoy ang pagiging malapit nila kaysa sa Tuwid na Daang isinusulong?
Hindi maaaring i-alibi ng administrasyon na in good faith naman ang paggamit ng DAP kahit pa idineklara ito na unconstitutional ng Korte Suprema.
Bilang namumuno, dapat ang gobyerno ay huwaran at modelo sa pagpapatupad ng batas.
Para kasing sinabi ng mga tagapagsalita ng Palasyo na okay lang magnakaw bastat ginagamit sa mabuti.
Ang batas ay para sa lahat at hindi dapat exempted dito ang gobyerno.
Hindi pag-aari ni Abad ang DBM, gaya ng hindi pag-aari ni Secretary Proceso Alcala ang Department of Agriculture o DA para maging kapit-tuko sila gayong liability na sila sa kanilang puwesto.
Marami pa naman sigurong puwedeng pagkatiwalaan si PNoy para ihalili sa mga itinuturing nang bagahe sa kanyang administrasyon.
Mahaba-haba pa ang natitirang dalawang taon ni Pangulong Aquino sa puwesto para panatiliin na lamang si Abad habang patuloy ang pagsalag ng Malacanang sa mga batikos na tinatanggap dahil sa kontrobersiyang dala ng kalihim.
Abangan natin kung mas matimbang kay PNoy ang pagkakaibigan kaysa sa kanyang mga Boss.