Jodi takot magpakasal kay Jolo, apektado ang relasyon sa pagkakulong ni Sen. Bong

FEELING namin, may takot at may trauma pa rin si Jodi Sta. Maria pagdating sa usaping kasal. Ito marahil ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang planong magpatali kay Jolo Revilla.

Sa pagkakaalam namin, annulled na ang kasal ni Jodi sa ex-husband niyang si Pampi Lacson na karelasyon na ngayon ni Iwa Moto. Hinihintay na lang ng ex-couple ang mga dokumento para legal na muli ang kanilang pagiging single.

Sa presscon ng “I Heart You 2: The Be Careful With My Heart Anniversary Thanksgiving”, ang special concert ng serye nina Jodi at Richard Yap na gaganapin sa Araneta Coliseum on July 27, sinabi ng dyowa ni Jolo na walang-wala pa talaga sa isip niya ang magpakasal uli.

“Wala naman akong plans na magpakasal. Maayos ang ginagawa ko. Happy ako sa trabaho ko. Happy ako sa lahat ng ginagawa ko,” tugon ng mommy ni Thirdy.

Sa tanong kung handa ba siya kapag biglang nag-propose sa kanya ni Jolo, isang makahulugang ngiti lang ang kanyang isinagot.

Nakiusap naman ang aktres na huwag na rin siyang tanungin tungkol sa pagkakakulong ng tatay ni Jolo na si Sen. Bong Revilla, “I would rather not comment about it. But I’ll be welcoming questions about the concert. Thank you.”

Hindi tuloy naitanong ng press kung totoo ang mga tsismis na nagkakalabuan na sila ni Jolo ngayon, at may kunek daw ito sa pinagdaraanan ng pamilya Revilla.

May nagsasabi na baka raw nagsisisi na si Jodi na nakipagrelasyon siya kay Jolo ngayong nasasangkot ang ama nito sa pork barrel scam.

Anyway, sey ni Jodi, mas game siyang pagkuwentuhan ang second anniversary concert ng Be Careful With My Heart. Aniya, isang napakalaking blessing sa kanilang lahat na umabot ng dalawang taon ang  kanilang teleserye sa ABS-CBN.

“Ang Be Careful With My Heart ay blessing para sa aming lahat. It’s a very nice feeling na ma-bless ka at maging blessing sa ibang tao,” sey ni Jodi.

Hindi rin masagot ng aktres kung hanggang kailan pa tatakbo ang kanilang soap, “Sa totoo lang hindi ko ‘yan masasagot at ang management ang makakasagot niyan. Pero kung gusto pa din ng tao manatili kami sa ere, bakit naman hindi?”

Samantala, regalo raw nila ang kanilang anniversary concert sa lahat ng viewers na patuloy na sumusuporta sa kanila, “Lahat po ng cast ay pupunta doon at magkakaroon ng production number.

Effort talaga ito, sana makapanood kayo at gusto kong sabihin na free admission po ito.”  Bukod sa cast members na kinabibilangan nga nina Maya at Ser Chief, pati na rin nina Aiza Seguerra, Sylvia Sanchez, Lito Pimentel, at marami pang iba, makakasama rin sa concert sina Erik Santos, Juris at Richard Poon.

For ticket inquiries sa “I Heart You 2: The Be Careful With My Heart Anniversary Thanksgiving,” maaaring pumila sa ABS-CBN Center Road sa Hulyo 21 at 23. Mamamahagi ng tickets mula 10 a.m. hanggang 5 p.m..

Samantala, patuloy na ma-inspire sa number one feel-good habit ng bayan, ang Be Careful With My Heart, araw-araw, bago mag-It’s Showtime sa Primetanghali ng ABS-CBN.

( bandera.ph file photo )

Read more...