Dapudong idedepensa ang korona sa South Africa

ANG kauna-unahang world boxing champion mula sa North Cotabato na si Edrin “The Sting” Dapudong ay magbabalik sa South Africa sa susunod na linggo para idepensa ang kanyang International Boxing Organization (IBO) super flyweight title laban kay Lwandile Sityatha sa East London, South Africa sa darating na Hulyo 18.

Ito rin ang magiging unang depensa ni Dapudong ng kanyang titulo na napanalunan niya noong Hunyo 2013 sa pamamagitan ng first-round knockout sa dating kampeon na si Gideon Buthelezi sa Johannesburg.

Tinalo ni Buthelezi si Dapudong sa pamamagitan ng kontrobersiyal na split decision anim na buwan bago ang kanilang title rematch.

Ang Hulyo 18 na title fight, na may pahintulot ni IBO president Edward Levine, ang magtatapos sa mahabang paghihintay ni Dapudong na maidepensa ang kanyang titulo matapos na makansela ang kanyang nakaiskedyul sana na laban sa isa pang South African na si Zolani Tete nitong nakaraang Pebrero.

Sinundan naman ito ng nasirang plano ng grupo ng American at British promoters na magsagawa ng fund-raising boxing event sa Maynila noong Mayo 25 para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda na katatampukan sana ni Sugar Shane Mosley bilang main event at si Dapudong na mapapalaban sa undercard.

Si Dapudong na ngayon ay pinamamahalaan ng bagong tatag na sports management firm na Sonshine Sports Management na hinahawakan ng kanyang long-time manager na si dating North Cotabato Gov. Manny Piñol at suportado ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

Si Dapudong ay dalawang buwan ng nagsasanay sa Manny Pacquiao Gym sa Toril, Davao City sa pangangasiwa ng assistant trainer ni Pacquiao na si Nonoy Neri at Rex Peñalosa.

“I know the risks of fighting in South Africa. I have to win by knockout,” sabi ni Dapudong.

Si Dapudong ang may hawak ng record bilang kauna-unahang Pinoy boxer na nanalo ng world championship sa South Africa matapos ang 20 pagtatangka.

Sa katunayan, si Dapudong ay nabigo rin sa kanyang unang tangka na mapanalunan ang bakanteng IBO super flyweight title matapos talunin ni Buthelezi sa loob ng 12 rounds.

Read more...