Krisis sa Libya pinagkakakitaan pa

ISANG email mula sa Libya ang natanggap ng Bantay OCW.

Nagtatanong ang ating OFW kung Level 3 pa nga raw ba sa Libya. Ito ‘anya ang ipinagtataka ng marami nating mga kababayan doon dahil kung kailan mas tahimik, walang putukan, saka pa nag-crisis alert level 3. Mas magulo pa ‘anya noon kahit wala pang deklarasyon ang pamahalaan.

Ang katotohanan, sabi niya sa atin, marami tayong mga kababayan doon ang nainis, nagalit at naawa sa mga kapwa nila OFW na na-stranded dahil hindi na nga pinayagang makabalik ng Libya bago pa lumabas ang exemption.

Usap-usapan din nila ang mga papaalis na sanang mga bagong OFW ngunit hindi na pinayagang makaalis dahil sakop na sila ng ban ng deployment kapag crisis alert level 3 na. Mas matindi pa ang naglalabasang balita doon na kapag nasa level 3 na raw kasi ang crisis alert, may emergency fund na nakalaan anumang oras at puwedeng kunin ng kanilang embassy officials.

Balita pa raw nila, sa kada 10 plane tickets, may kumisyon ang naturang opisyal ng isang ticket. Gayong ayaw nilang pangalanan, ngunit nagiging tampulan na ito ng usapan sa komunidad ng mga Pilipino sa Libya.

Ayon pa sa email, karamihang nagpapalista pa nga upang makauwi ay yaong mga undocumented na, illegal at walang trabaho sa Libya at talagang gusto nang umuwi, mabuti na lamang ‘anya at nakakita ng pagkakataon ang mga ito sa pamamagitan ng voluntary repatriation.

Ikinagalit pa ng ating mga kababayan doon na nagkaroon pa ng bagong koleksyon sa embahada ng Pilipinas dahil bawat kumpanya, bawat employer na maglalabas ng letter of guarantee para sa kaligtasan ng kanilang mga manggagawang Pilipino, kailangang ipa-verify at ipa-authenticate pa ito sa ating embassy at may bayad na halagang US$10.

Tanong daw ng mga employer nila, nawalan na nga sila ng mga trabahador, na-atraso na ang mga patrabaho, ngayon isang simpleng dokumento, may bayad pa? Gasino lang naman ang 10 USD pero bakit sa panahon ng krisis, na ang pamahalaan na nga ‘anya ang nagdeklara ng level 3, lahat ng papel may bayad pa rin? Sana naman ‘anya ilibre na lamang iyon dahil malaking abala na nga sa kanila ang paggawa ng ganoon, ngayon bawat galaw, may bayad pa.

Ayon sa mga Pinoy doon, hindi naman sila inaabandona ng kanilang mga employer, kahit pa wala ang letter of guarantee na ipinasusumite ng pamahalaan, talagang pinangangalagaan naman sila doon. Hatid-sundo sa bahay patungong trabaho. Ganon din sa kanilang pag-uwi. Libre ang tawag sa mga kamag-anak sa Pilipinas anumang oras nila gusto.

Nitong nakaraang Linggo, kuwento ng ating kabayan, silang mga nagtungo sa simbahan ay tinanong ng kanilang Filipinong pari kung sino ang gusting umuwi ng Pilipinas. Wala raw tumaas ng kamay kahit isa!

Isa ka bang OFW o may mga kaanak ka bang OFW na nasa ibang bansa? Para sa mga tanong o komento maaaring i-text OCW, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.

Read more...