MULA nang i-launch last year, naging kilala na ang Face The People bilang programa kung saan pinaguusapan ang mga pinakakontrobersyal na isyu ng bayan.
Mula sa mga iskandalong bumulabog sa mga barangay hanggang sa mga problema’t isyung kinasangkutan ng mga artista’t sikat na personalidad, marami nang natulungan ang Face The People na maresolba ang mga di pagkakaunawaan at mga pagtatalo.
Ngayong ikatlong season ng programa, masayang ibinabalita ng Kapatid Network ang mga “happy change” sa ating paboritong talak talk show.
Simula Lunes (Hulyo 7) ay mapapanood na ang programa sa bago nitong timeslot – 10:15 a.m. Lunes hanggang Biyernes, back-to-back sa interactive game show ni Ogie Alcasid na Let’s Ask Pilipinas (11:15 a.m. naman).
Mas magiging malalim at balanse narin ang pagpapayo at opinyon sa pagpasok ni Edu Manzano sa programa. Sa bagong segment nitong “Sabi Ni Edu, Sabi Ni Gelli”, si Doods na ang magbibigay ng machong pagpapayo at kakatawan sa mga opinyon ng kalalakihan sa mga isyu sa Face The People samantalang si Gelli de Belen parin ang pinagkakatiwalaang “ateng” ng taumbayan na ipaglalaban kung ano ang patas at tama base narin sa kanyang mga karanasan bilang ina, kapatid at babae.
Bahagi pa rin ng show si Tintin Bersola Babao. Kilala sa kanyang puso para sa public service, si Tintin ang magiging host ng Happy Change – isang social responsibility segment ng programa na tumutulong na magkaroong ng positibong pagbabago sa buhay ng kanilang mga case subjects.
Kada linggo, ibabalita ni Mamu Tin kung paano natulungan ng programang magbago ang buhay ng kanilang mga case subjects.
Dadalhin rin ni Tintin ang Face The People sa masa sa pamamagitan ng “Sey Ng Taumbayan”, isang segment kung saan pupulsuhan ni Tintin ang mga opinyon ng mga pangkaraniwang tao sa mga isyung tinatalakay ng TV5 show na ito.
Sa unang harapan sa Lunes (Hulyo 7), gugulatin agad sina Gelli, Edu at Tintin ni Meagan Aguilar nang mag-walk-out ito sa mismong pilot episode ng show. Tatalakayin ng programa ang hindi pagkakaunawaan ni Meagan at ng kanyang ama, ang Hari ng Pinoy Folk Songs na si Ka Freddie Aguilar.
Nagsimula sa isyu ng nabubulok na gulay, ilalabas na daw ni Meagan ang nabubulok na mga baho ni Ka Freddie at ng kanyang asawang si Bhabe: gaya nalang ng mga pagmamaltrato nito sa kanyang mga tauhan sa bar – malayong-malayo sa dating nagtatanggol sa kanyang ama sa parehong programa.
Mapagbabati ba ng Face The People ang mag-ama? O magiging parang nabubulok na gulay na lamang ang kanilang pagsasama? Tutukan lahat ‘yan ngayong Lunes sa Face The People, 10:15 a.m. sa TV5!
( Photo credit to EAS )