Rain or Shine-Alaska matira-matibay


Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. Rain or Shine vs Alaska Milk

NAKATAYA ang huling ticket sa best-of-five championship round ng PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup sa huling pagtatagpo ng Rain or Shine at Alaska Milk mamayang alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Naungusan ng Elasto Painters and Aces sa overtime, 123-121, sa Game Four noong Huwebes  upang hatakin ang best-of-five semifinals sa sukdulan. Nanalo rin ang Rain or Shine sa Game Two, 99-87.

Ang Alaska Milk, na ngayon ay hawak ni coach Alex Compton, ay nagwagi sa Game One (97-93) at Game Two (104-94) subalit nabigong tapusin ang Elasto Painters.

Idinikta ng Elasto Painters ang tempo ng laro at nakapagposte pa ng 19-puntos na kalamangan. Nakakuha pa ng malaking break ang Elasto Painters nang ma-thrown out ang Alaska Milk import na si Henry Walker bunga ng pagsiko sa likod ng ulo ni Paul Lee may 6:24 ang natitira sa fourth quarter.

Subalit sa kabila ng pagkawala ng kanilang import ay nakabalik ang  Aces at naitabla ang score, 115-all, sa pagtatapos ng regulation period.

Sa overtime ay lumamang ang Alaska Milk ng apat na puntos, 121-117, sa sunud-sunod na baskets ni Cyrus Baguio. Pero nakabawi si Arizona Reid sa isang inside jumper at pagkatapos ay itinala ni Beau Belga ang huling apat na puntos ng kanyang koponan upang makumpleto ang 6-0 wind-up ng Elasto Painters at makamit ang panalo.

Si Reid, na isang kandidato para sa Best Import award, ay nagtala ng game-high 32 puntos. Bukod dito ay humugot siya ng 15 rebounds. Inaasahang pipilitin niyang higitan ang mga numerong ito mamaya.

Nagbalik din sa active duty matapos na mawala ng dalawang laro dahil sa sprained ankle si Gabe Norwood. Makakatuwang niya sina Belga, Lee, Jeff Chan at Ryan Araña.

Sigurado namang pinaalalahanan ni Compton si Walker na huwag intindihin ang tawag ng mga referees at ang pisikal na depensa ng kalaban at panatilihin ang kanyang konsentrasyon sa laro  upang makatulong sa Aces mamaya.

Read more...