NAGKATOTOO na nga na makukulong sina Sen. Ramon Bong Revilla Jr., at Sen. Jinggoy Estrada na nahaharap sa magkahiwalay na kasong plunder at graft.
Hindi lang sila magkaklase sa pagiging senador, kundi magkakosa na rin.
Biruan tuloy sa mga umpukan, kahit na sa pagkakakulong ay nakalalamang pa rin si Revilla kay Estrada.
Nauna kasing pumasok sa selda si Revilla kahit siya ang huling nilabasan ng hold departure order.
Noong 2010 elections, may bali-balita na ginawa ni Estrada ang lahat para siya ang maging no. 1 na senador, pero hanggang second best lang siya ni Revilla.
Kahit na sa mga pelikula, mas mabenta ang mga pelikula ni Revilla kaysa sa kakosang si Estrada.
Pareho lang din silang gumanap ng Panday.
Kaya ang tanong tuloy ng marami, malas ba ang pelikulang Panday? Alam mo naman ang mga Pinoy, mapamahiin at kung anu-anong ang ibinibigay na pakahulugan sa mga nangyayari.
Ang orihinal na Panday na si Fernando Poe Jr ay minalas din noong 2004 presidential elections; hindi dahil siya ay natalo kundi dahil siya ay nadaya.
Mukhang hindi masyadong napaghandaan ni Revilla ang kanyang pagkakakulong kahit pa inanunsyo niya na handa siyang magpakulong.
Unang araw pa lang kasi sa selda ay inatake na siya ng migraine. Hindi niya naisip na mainit sa selda at hindi katulad ng mga hotel na kanyang ti-nuluyan.
Tiyak na maraming aangal kung siya ay papayagan na mag-aircon sa kanyang kuwarto.
Hindi lang naman si Revilla ang mayamang preso na kayang bumili at magbayad ng konsumo ng kuryente para sa aircon sa selda.
Para patas at walang umangal, bakit kaya hindi na lang mag-share-share ang mga mayayaman at palagyan ng aircon ang lahat ng selda sa Pilipinas at bayaran nila ang konsumo nito.
Tutal ang reklamo ay hindi patas ang pagtrato sa mga preso, eh di sila na ang gumawa ng paraan para maging parehas.
Kung kaya ng pondo, bakit hindi na lang sila magpagawa ng magandang kulungan.
Sa pagkakakulong ni Estrada, ang tanong ay tatakbo pa kaya si Mayor Erap sa pagkapangulo sa 2016?
Kung mananalo siya, malamang (hindi naman matitiis ng isang ama ang kanyang anak) na i-pardon niya ang senador kung mapapatunayan itong guilty.
Hindi nga lang ma-ganda tingnan, pero ito ay isa sa mga paraan para makalabas kaagad ang anak.
Pero paano kung ka-tulad noong 2010, hindi manalo si Erap?
Kaya isang opsyon din ang pagsuporta na lamang niya kay Vice President Jejomar Binay na nakalalamang ngayon sa survey.
Kung hindi tatakbo si Erap at matitiyak ang panalo ni Binay, maaari ring makalaya ang senador.
May mga naniniwala kasi na mahahati ang boto ng oposisyon kung tatakbo na si Erap, tatakbo pa si Binay.