NAKABANGON mula sa kabiguan sa kanyang opening day match si Filipino cue master Efren “Bata” Reyes para manatiling buhay ang pag-asang makapasok sa knockout stage ng 2014 World 9-Ball Championship na ginaganap sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar.
Ang 1999 world 9-ball champion na si Reyes ay palaban pa rin matapos itala ang 9-8 panalo kay Denis Grabe ng Estonia sa Group 9 Nagsipanalo naman ang apat na Pilipinong bilyarista na kumampanya sa winner’s side matapos ang pangalawang araw ng kompetisyon.
Sina Johann Chua, Jeffrey de Luna, Israel Rota at Elmer Haya ay nanaig sa kanilang mga unang laro habang sina Ramil Gallego, Francisco Felicilda at Lee Van Corteza ay nangibabaw sa kanilang mga laro sa one-loss side para manatiling kumpleto ang 14 na lahok ng Pilipinas sa prestihiyosong kompetisyon sa 9-ball.
Si Chua ang siyang nakabingwit ng malaking panalo nang talunin ang beteranong si Corey Deuel ng USA, 9-2, sa Group 13. Sina De Luna at Rota ay magkagrupo sa Group 14 at tinalo nila sina Tomasz Kaplan ng Poland (9-4) at J-Ram Alabanzas ng South Africa (9-0) habang si Rota ay nanaig sa kababayang si Corteza, 9-2, sa Group 16.
Ipinamalas naman ng mga nasa loser’s side ang determinasyon na malampasan ang group stage nang maipanalo ang una sa dalawang sunod na do-or-die games.
Si Gallego ay umukit naman ng 9-7 tagumpay kay Mishel Turkey ng Qatar sa Group 4. Si Felicilda ay umani ng 9-5 panalo kay Christian Aguirre ng Ecuador sa Group 12 habang si Corteza ay umabante pa nang patalsikin si Mario Morra ng Canada, 9-2, sa Group 16.
Nauna nang umabante sa second round sa winner’s bracket ang runner-up noong 2013 na si Antonio Gabica, Dennis Orcullo, Warren Kiamco, Carlo Biado, Raymund Faraon at Elvis Calasang nang nagwagi sa pagbubukas ng torneo noong Sabado.
( Photo credit to inquirer news service )