Nagluluksa ngayon ang mga tagahanga ni Nora Aunor. Ang matagal na nilang pinakaaasam-asam na National Artist award para sa kanilang idolo ay naunsiyami na naman.
Hindi kasama ang pangalan ng Superstar sa mga katangi-tanging alagad ng sining na pararangalan sa taong ito. May mga nagdidiin na si Kris Aquino raw ang humarang sa nasabing parangal para sa ating Superstar, ang namayapang Hari Ng Komedya raw ang mas pinaboran ni Kris at ibinulong sa mga hurado, dahil magkaibigan sila ni Zsa Zsa Padilla na nakamatayang karelasyon ni Tito Dolphy.
Hindi namin pinaniniwalaan ang kuwentong ‘yun. Walang kinalaman si Kris sa hindi pagkakasama sa pangalan ni Nora Aunor sa mga tatanghaling National Artist sa taong ito.
Labas si Kris sa naging desisyon ng mga bumoboto kung kanino nararapat ihandog ang napakataas na parangal bilang National Artist. Siguradong pinagpawisan ang mga hurado nu’ng ang pangalan na ni Nora Aunor ang kanilang pinagdidiskusyunan.
Kung ang narating na ng Superstar ang pag-uusapan ay walang dudang tatanggap siya ng isang pangnasyonal na tropeo, pero hindi lang naman achievements ang ginagawang barometro at kunsiderasyon sa ganitong klase ng parangal, meron pang mga ibang aspeto.
Maaaring du’n kinapos ang Superstar. Siguro nga ay du’n tumagaktak ang buo-buong pawis ng mga hurado. ‘Yun ang dahilan kung bakit hindi nakapasa ang Superstar sa masidhi at mahigpit na pilian.
Ang mahalaga, may National Artist award o wala, ay walang kahit sinong makaaagaw sa titulo ni Nora Aunor bilang Superstar. Wala pa ring makapapantay sa naabot niyang tagumpay, siya lang ang nag-iisang Superstar, wala siyang kaplakado.
( Photo credit to nora aunor official fanpage )