MARAMI ang umaasang magiging palaban itong si Sen.Bong Revilla sa kaso niyang plunder, lalo pa’t iginigiit nito na wala siyang kasalanan sa akusasyon na kumikbak siya ng P225.4 milyon sa kanyang pork barrel funds noong 2007-2009.
Hindi umubra ang mga delaying tactics ng kanyang mga abogado at natuluyan siyang ikinulong sa PNP Custodial Center.
Ang palaban na senador na nangakong magbubulgar pa tungkol sa PDAF ay naging nagpaawang senador. May sinabi pa itong may pasasabugin sa kanyang privilege speech na nauwi naman sa “privilege song”.
Kung bakit nag-iba ang porma nitong si Bong mula sa dating palaban sa ngayo’y sobrang lambot ay tanging siya lamang ang nakakaalam. Nag-abang pa naman ang publiko sa sinasabi niyang pasabog – ang kwento sa kanyang pork barrel noong 2010-14 o yung panahon na ng administrasyong PNoy, ang naging parte niya sa “lagayan” sa Corona impeachment trial, pati na rin ang tinanggap niya sa kinukwestyong P142-B DAP (Disbursement Acceleration Program) na ngayo’y nasa Korte Suprema.
Totoo bang binigyan siya ng P200 milyon galing sa DAP kapalit ng “yes vote” sa conviction ni Corona? Magkanong pork fund ang tinanggap niya nitong panahon ni Aquino? Napunta rin ba uli ito sa mga NGO ni Napoles o baka sa iba naman? May naging kasunduan ba siya kay PNoy, Budget Sec. Butch Abad at DILG Dec. Mar Roxas noong mag-usap sila sa Malacanang?
Malaki ang pakialam natin sa mga kasagutan ni Bong dahil ang pinapagpartihang pondo ng mga taga-Malakanyang, Kongreso at mga opisyal sa pamahalaan ay galing sa income tax, VAT at witholding tax na kinakaltas sa pawis at dugo nating mamamayan.
Tapos bigla siyang tumahimik at nagpakulong na lang. iniiwasan kaya niya ang mga tanong na ito? Naiintindihan ko ang personal niyang pakiusap sa kapwa senador sa kanyang privilege speech para di siya suspindihin kahit pa nakakulong siya. Ganyan ang ginawa nila kay Trillanes, at lalo na kay Lacson na nagtago sa kanyang arrest warrant pero tuloy ang sweldo bilang senador at allowance bilang committee chairperson. Ganyan din ang mangyayari kina Bong at Jinggoy? Nakakulong daw pero, tuloy ang “perks and privileges” bilang Senador?
Nakakaamoy tuloy ako na meron nang “modus vivendi” o “backdoor channeling” sa mga taga-Malakanyang itong sina Bong at maging si Jinggoy. Kaduda-duda rin ang pahayag ni Bong na tumakbo bilang presidente sa year 2016 kahit nagsusumigaw ang ebidensya laban sa kanya ng DOJ at NBI.
At pag pulitika ang pinag-usapan, ang masasaktan sa deklarasyon ni Bong sa 2016 ay walang iba kundi ang oposisyon partikular si VP Jejomar Binay. Hindi ba’t nagpahayag din ng intensyong kumandidato sina Sen. Miriam, Mayor Erap (ikukulong din si Jinggoy di ba?)si Sen. Bongbong Marcos at pati si Sen. Trillanes? At pwede rin daw si Sen. Grace Poe at pwedeng magbalik daw sina dating Senador Manny Villar at dating DND sec. Gilbert Teodoro. Kung sasama pa si Bong Revilla, aba’y hiwa-hiwalay ang oposisyon at tuwang-tuwa naman ang administrasyon.
Noong 1998 elections, hindi matunog si Fidel Ramos kalaban sina Miriam, Imelda Marcos, Roco, Mitra at Danding Cojuangco. Pero, dahil watak watak ang oposisyon, nanalo si Ramos.
Ito kaya ang tinatahak na scenario ni Bong sa kanyang pagpupumilit na tumakbo kahit nakakulong? At ang kanyang misyon ay basagin ang oposisyon para maupo muli ng anim na taon ang kandidato ni PNoy na si Mar Roxas. At pag nangyari iyon, ayos na rin ang presidential pardon – na posibleng bahagi ng kanilang kasunduan.