Napakalayo sa aming hinagap na mangyayari pala kay Senador Bong Revilla ang pinagdadaanan niya ngayon at ng kanyang pamilya. Biyernes nang tanghali nang sumuko siya sa Sandiganbayan, kinahapunan ay nag-physical examination na siya, pinag-mugshot at pinag-fingerprint.
Bandang alas-kuwatro nang hapon ay sinamahan na siya ng mga pulis papunta sa kanyang pagkukulungan sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Napakabilis ng mga pangyayari, pero ayon kay Congresswoman Lani Mercado ay parang mabilis na mabagal, dahil balot ng lungkot ang buong pamilya habang isinasagawa ang mga proseso ng pagkukulong sa aktor-politiko.
Labas ang isyu ng PDAF na naging dahilan ng pagkakasangkot sa indulto nina Senador Bong at Senador Jinggoy Estrada ay nagluluksa ang buong industriyang kinalakihan na ng dalawang mambabatas.
Hindi para sa amin ang magsabing wala silang kasalanan, tumatakbo na ang imbestigasyon, nasa hukuman na ngayon ang magiging resulta ng pagkapiit sa kanila.
Pero siyempre’y nalulungkot ang mundong una nilang minahal kesa sa politika, nalulungkot ang kanilang mga kapwa artista at tagasuporta, bakit sa dinami-dami raw ng mga politikong nasasangkot sa isyu ng PDAF ay sila lamang ang unang-unang pinahirapan?
Dahil ba sa matindi silang makakalaban sa susunod na eleksiyon? Dahil ba sa nararamdaman ng iba nilang kapwa politiko na magiging malaking “problema” sila sa 2016?
Iilan lamang ang tulad nina Jim Paredes at Bianca Gonzales na kung makapanghusga ay nakakahiya naman sa napakalinis nilang pagkatao.
Itong si Bianca ay sawsawera, kung makapang-upak sa mga senador na sangkot sa PDAF ay parang wala nang bukas pa kung makapanglait, hindi na lang kasi nito asikasuhin ang kanyang mga personal na pangangailangan tulad ng paghahanap ng magaling na designer na makapagbibihis sa kanya nang maayos.
( Photo credit to bianca gonzales official fanpage )