Mag-aral, mag-abroad (2)

Sulat mula kay Sharon ng Pilar, Agusan del Norte
Problema:
1.      Labis na ang kahirapan ng buhay dito sa amin. Halos magnakaw na ang mahihirap.  Mabuti na lamang dahil ang aking pamilya ay nakararaos kahit paano.  Ang tatay ko ay nasa Saudi at malaki-laki rin naman ang suweldo niya.  At dahil nakatira pa ako sa magulang ko ay hagip ako ng biyaya na ipinadadala ng tatay ko.  Lumalaki ang mga bata kaya dumarami rin ang kanilang mga kailangan sa paaralan, na kailangang tustusan.
2.    Bukod dito, nag-aaral din ang iba ko pang kapatid, at pati na rin ako na balik-eskuwela.  Pero, nitong huling buwan ay kapos na ang ipinadadala ng tatay ko at ang konting kita ko ay di na rin nakasasapat.  Balak ko nang mag-abroad, sa Malaysia o sa Saudi.  Nais kong malaman kung makapaga-abroad ako.  Gusto kong mag-abroad para makatulong ako sa aming pamilya at magkaroon ng sariling bahay at lupa. Kailan ito mangyayari?  May 15, 1990 ang birthday ko.
Umaasa,
Sharon ng Pilar,  Agusan del Norte
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Taurus  (Illustration 2.) at nagsasabing may nakalaang suwerte sa trabahong-opisina, kaya kailangan ang masidhing pag-aaral.  Mula sa iyong pinag-aralan, huhugutin ang talinong magagamit sa opisina.
Numerology:
Ang birth date mo ay nagsasabing mabilis na pangyayari ang magaganap sa iyong buhay, kung saan sunud-sunod na suwerte at nakatakda mong maranasan sa sandaling makatapos ka na ng pag-aaral.
Luscher Color Test:
Upang lalo kang suwertehin sa buhay lagi kang magsuot ng kulay na pula at silver na alahas. Sa nasabing kulay at alahas dagdag na magagandang kapalaran ang iyong matatanggap.
Graphology:
Masyadong maliit ang iyong sulat kamay at lagda. Lakihan mo ang iyong sulat kamay at lagda. Kapag lumaki ang pagkakasulat mo sa iyong handwriting at lagda, tuluy-tuloy ka ng susuwertehin at uunlad.
Huling payo at paalala:
Sharon, tunay ngang ikaw ay nakatakdang tumupad ng malaon mo ng pangarap sa inyong pamilya upang magkaroon ng sariling bahay at lupa. Ayon sa iyong kapalaran, ito ay mangyayari at matutupad sa sandaling nakapag-abroad ka sa taon 2016. Lilipas ang limang taon pa, makapagpupundar ka ng sariling house and lot para sa iyong mga kapatid at minamahal na magulang.

Read more...