May susunod kayang alyado ni PNoy sa 3 senador

SA pagkakapiit ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. kaugnay ng kanyang plunder case na kinakaharap, kaabang-abang naman ngayon ang gagawing pagsuko o kaya ay pag-aresto kina Senador Juan Ponce Enrile at Sen. Jinggoy Estrada.

Sabagay, inaasahan naman na ang pag-aresto sa kanilang tatlo kaya nga hindi na nagulat ang publiko nang nasampulan na nga itong si Revilla.
Kung sino ang mauuna kina Enrile at Estrada na arestuhin ang siya namang inaabangan na ng lahat.

Pero higit na inaabangan ng taumbayan ay kung kayang ipakita ng administrasyong Aquino na patas na ipinatutupad ang hustisya kung may mapapakulong din na mga kaalyado nito dahil sa plunder.

Hindi naman lingid sa lahat na napakahaba ng listahan ng mga senador at mga kongresistang isinasabit sa pork barrel scam, at marami-rami rin na kaalyado ni PNoy ang naroroon.

Kung listahan ni Benhur Luy ang pagbabasehan, na siya rin namang naging batayan ng pagsasampa ng plunder sa tatlong senador, malinaw na merong mga pangalang malapit sa Malacanang ang dawit sa pangungulimbat ng pork barrel funds na pera ng bayan.

Kaya nga makatwiran lamang na sampahan din ng plunder ang mga opisyal ng gobyerno na iniuugnay na sa pork barrel scam at ipakulong kung saan nakapiit ngayon si Revilla.

Abangan natin kung may masasampulan ding kaalyado ni Pangulong Aquino.

DA who ang dalawang opisyal na ito na usap-usapan ngayon dahil lantaran na ang kanilang PDA o public display of affection sa kabila ng parehong may sabit na.

Ipinost pa kasi ng dalawang opisyal sa social media ang kanilang mga adventure kung saan sila nag-zip line.

Hindi na bago ang chika sa kanilang dalawa. Hindi mamatay-matay ang tsismis na may relasyon ang dalawa; kalat ito sa mga kapwa nila opisyal at lalo na sa media.

Gusto nyo ng clue? Habang panay ang depensa ng isang opisyal sa mga isyung kinakaharap ng gobyerno, nasa out-of-town naman ang dalawa kung saan kasama pa ang ibang staff na nagsilbing miron.

Nauna nang natsismis ang dalawa na nanood ng sine sa isang mall sa San Juan at nakitang bumibili ng unan sa isang mall naman sa Makati.

Heto pa, may pagkakataon pang nakikitang magka-holding hands ang dalawa habang pababa mula sa opisina nila.

Wala kasing pakialam ang boss nila sa pribadong buhay ng mga opisyal niya bastat nagtatrabaho naman, bagamat masasabing malakas lang ang dalawa dahil nagtrabaho na sa kanya bago pa man maupo sa puwesto.

Ang huling clue? Boss ng babae ang lalaki. Yun na.

Read more...