MADALAS nating naririnig na mabuti pa raw ang mga babae ay hindi nagkakasakit ng prostate cancer.
Natural lang ito dahil ang Prostate Gland ay isang “glandular organ” na sa lalaki lamang nakikita.
Ito ay parte ng “male reproductive system” na nagbibigay ng likido para sa pag-labnaw ng semilya ng lalaki. Nagkakaroon din ng tungkulin sa pag-kontrol ng pag-ihi. Makikita ito sa ibaba ng pantog at nakabalot ito sa daluyan ng ihi (urethra).
Hala! Kapag lumaki ang Prostate Gland, naiipit ang “urethra” at nahihirapan umihi ang lalaki.
Ang mga sintomas ay putol-putol na pag-ihi (dribbling), walang kontrol sa pag-ihi (incontinence), mahirap lumabas ang ihi (obstruction).
Kadalasan, nangyayari ang tinatawag na BPH o Benign Prostatic Hypertrophy, sa mga lalaking may edad 45 pataas.
Hindi naman ito malaking problema dahil hindi ito nakamamatay. Yun nga lang, mahirap dahil makirot minsan. Napaka-uncomfortable dahil punong-puno na ang pantog pero di mo mailabas. Minsan, gugustuhin mong ipagpalit na ang lahat, makalabas lamang ang ihi.
Pero, paano na kung kanser pa ito?
Ang prostate cancer ay pumapangalawa sa lung cancer na pinaka common na kanser na tumatama sa mga Pinoy na lalaki.
Dahil dito, ang buwan ng Hunyo ay idineklara ng Deparment of Health bilang “Prostate Cancer Awareness Month”. Layunin nito na ipabatid sa mamamayan na ang ganitong sakit ay hindi dapat ipagbawalang-bahala.
Kaya nga merong mga screening na ginagawa ang iba’t ibang ospital gobyerno man o pribado, na ang tawag ay “DRE” –Digital Rectal Examination, at “PSA” – Prostatic Specific Antigen. Libre ang iba nito at ang iba naman ay mababa lang ang bayad.
Samantalahin na. Ang early detection ang siyang pinakamabisang panlaban sa prostate cancer. Pag naagapan nang maaga makukuha pa ito sa gamutan.
Sa mga mahihilig sa Green tea, Tofu (Tokwa), keso at iba pang mga anti-oxidants na may “phytoestrogen” o “anti-androgen effect”, malayo na magkaroon ng “prostate cancer”. Ang pagkain o “diet”, kasabay sa “genetics”, at katabaan “obesity” ay mga risk factors para sa pagkakaroon ng kanser sa prostate. Kahit ito ay nakaka-apekto sa maraming mga “Caucasians”, hindi ito kasing-dalas sa “Asians”.
Kadalasan ang sintomas ng prostate cancer ay nakikita kapag malala na. Magpatingin kaagad sa isang urologist at isangguni ang problema lalo na kung ikaw ay nasa 60 anyos at pataas.
Nagagamot ang Prostate Cancer depende sa kung gaano kalala ito. Kaya magandang maagapan ito at syempre kailangan handa kang labanan ito sa pamamagitan ng pag-tanggap sa kalagayan at dumulog sa espesyalista.
May nais ba kayong isangguni kay Dr. Heal? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606. Sasagutin niya ito sa Barangay Kalusugan na mababasa araw-araw maliban sa Miyerkules at Biyernes.