Isang ulirang public servant

WALA na sigurong makakapantay kay Carmelita “May” Dimzon, dating administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kung ang pag-uusapan ay pag-aasikaso sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers o OFW.

Nagretiro si Dimzon sa gobyerno nang umabot siya sa mandatory retirement age.

Tinuring ni May Dimzon, isang dalaga, na miyembro ng kanyang pamilya ang lahat ng OFW.

Sinasalubong niya sa Ninoy Airport International Airport (NAIA) ang mga OFW kung maluwag ang trabaho niya sa opisina o sa mga weekends o holidays dahil walang pasok.

Personal na niyang binibigyan ng atensiyon ang mga hinaing ng mga OFW, lalo na yung kaila-ngang ipabalik na sa Pilipinas.

Alam ko ang pinagsasabi ko dahil nasaksihan ko ang dedikasyon ni May sa kanyang trabaho.

Ang mga papuri ko kay Dimzon ay hindi masasabi sa taong ipinalit sa kanya sa OWWA, si Josefino Torres.

Kung ihahambing si Torres kay May, parang
ikinukumpara ang Mercedes Benz sa jeepney.

Noong isang araw, isang OFW na balikbayan, si Ana Bernabe, 31, na naka-wheelchair, ang nahimatay sa loob ng NAIA terminal 1 dahil napilitan siyang tumindig upang kunin ang kanyang bagahe sa carousel.

Ang gunggong na airline employee na dapat ay itulak ang kanyang wheelchair ay iniwan siya.

Ang iba pang gunggong ay yung mga empleyado ng OWWA sa NAIA 1 na dapat ay umasikaso kay Bernabe.

Walang empleyado ng OWWA sa airport desk.

Ang OWWA airport desk ay nag-aasikaso sa mga bumabalik na “bagong bayani” (yan ang tawag ni dating Pangulong Gloria sa mga OFW) at asikasuhin ang kanilang pangangailangan.

Dumating sa amin sa Isumbong mo kay Tulfo public service program ang kalagayan ng kawawang si Bernabe sa ulat ni Raul Esperas, reporter ng DWIZ na naka-assign sa airport.

Nang tinawagan ng inyong lingkod si Torres
upang sabihin sa kanya ang pagkahimatay ng balikbayan na OFW, sinabi ng kanyang sekretarya na hindi siya puwedeng istorbohin dahil may kumperensiya siya.

Hindi siya kagaya ni Dimzon noong OWWA chief pa ang huli dahil sinasagot niya ang aming tawag lalo na’t tungkol ito sa problema at pangangailangan ng OFW.

Kung siya’y busy nang dumating ang aming tawag, she returns our calls as soon as possible.

Si May Dimzon ay isang ulirang public servant.

Ang pribadong kumpanya na kukuha sa kanya bilang consultant ay maki-kinabang nang malaki sa kanyang dedikasyon sa trabaho.

Nakakatakot ang sitwasyon sa ating bansa ngayon dahil sa madalas na patayan.

Halos araw-araw ay may pinapatay sa iba’t ibang dako ng bansa.

Wala nang ligtas, kahit na mayor ay pinapaslang.

Karamihan sa mga salarin ay nakaangkas sa motorsiklo, yung tinatawag na riding in tandem.
Sa panahon lang ni Pangulong Noynoy dumami ang patayan sa buong bansa.

Sa halip na mamalagi sa firing range, dapat siguro ay palaging makikipagkita si P-Noynoy kay Interior Secretary Mar Roxas at PNP chief Alan Purisima upang hanapan ng solus-yon ang crime rate na abot-langit ang taas.

Dapat sigurong bigyan ng leksiyon itong si Chief Insp. Joey Goforth, commander ng Police Community Precinct 11 sa Pasay City, upang magtanda.

Dapat sabihin sa kanya ng boss niya ang mamamayan, gaya ng sinasabi ni Pangulong Noynoy, at hindi siya ang boss ng mga ito.

Nanita si Goforth at kanyang mga tauhan kina Daniel Galapia, casino financier at kanyang mga runners na kumakain sa Jollibee restaurant sa Edsa corner Roxas Blvd.

Tinutukan nina Goforth at pinahiya si Galapia at kanyang mga empleyado na napagkamalang mga masasamang-loob.

Matapos maipakita nila ang kanilang mga ID at napatunayan na sila’y mabubuting mamamayan, di man lang humingi ng paumanhin ang mga pulis.

Nagsabi pa si Goforth na haharapin niya ang anong mang imbestigasyon kung magsusumbong sina Galapia.

Ah, ganoon! Puwes, mapapaihi sa pantaloon si Goforth kapag ipinatawag siya ni PNP chief Alan Purisima.

Read more...