Napakatindi ng mga rebelasyon ni Iwa Moto kahapon sa Paparazzi, parang mas nakalalamang ang lungkot kesa sa kaligayahan, habang magkarelasyon pa sila ni Mickey.
Nagkasira-sira ang kanyang imahe noon dahil sa mga iskandalong kinasangkutan niya, negang-nega ang kanyang dating sa publiko, pero kung totoong lahat ang mga sinabi ni Iwa ay makatwiran lang pala ang kanyang ginawa nu’ng magkarelasyon pa sila ni Mickey.
“Sana nga po, e, hindi mangyari kay Janna ang mga nangyari sa akin nu’ng kami pa ni Mickey.
Hindi rin ako iskandalosa, ako ang nasasaktan, pero napakatagal kong nanahimik lang.
“Napakadaling manira ng tao, pero hindi ko ginawa, dahil mahal na mahal ko si Mickey.
Napalapit na ako sa family niya, lalo na sa anak niyang si Isabel na itinuring ko nang parang tunay na anak,” umiiyak na kuwento ni Iwa.
Nakakagulat din ang kanyang kuwento na nagdadalantao na si Janna, pero pilit pa ring nakikipagbalikan sa kanya si Mickey, napasubo lang daw ito sa sitwasyon pero hindi naman nito mahal si Janna.
“Pero hindi ko tinanggap si Mickey, naaawa ako kay Janna, lalo na sa magiging anak nila.
Kung benggador lang ako, binalikan ko na sana si Mickey para masaktan ko si Janna, pero mas nanaig sa akin ang awa para sa anak nila,” diretsong komento ng seksing dalaga.
Kung kilala nga namin si Janna Dominguez ay hindi nito basta uupuan lang ang mga rebelasyong pinasabog ni Iwa Moto.
Natural lang na makakaapekto sa kanilang relasyon ni Mickey Ablan ang mga isinawalat ni Iwa sa unang pagkakataon, kaya idedepensa nito ang kanilang relasyon, kundi man maging hudyat ito ng kanilang paghihiwalay.