“KIKO patay, pataay, Kiko patay, pataay…” ang kanta ng commercial sa radio noong dekada ’50, na ang ibinebenta ay pampasigla ng katawan, pambuhay sa kalusugan.
Si Kiko, noon, ay karaniwang bata sa lalamya-lamya at ang karamihan sa nakapaligid sa kanya ay mga batang masisigla. Kaya naman ang kanyang kalamyaan ay idinadaan ng masisiglang bata sa kantiyaw, sa tukso.
Ngayon, isang Kiko ang nawawala. Hindi siya makita. Hindi siya nagpapakita. Hindi siya nagpapaunlak ng panayam sa media. Nasaan si Francis Pangilinan, ang hinirang ng Ikalawang Aquino bilang Presidential Adviser on Food Security and Agricultural Modernization, na may titulong kalihim at ranggong miyembro ng Gabinete?
Nasaan si Francis Pangilinan, ang asawa ni Sharon Cuneta? Bakit hindi siya nagsasalita? Bakit hindi siya nag-papaunlak ng panayam sa media?
Bakit hindi siya kumikibo gayung hilong-talilong na ang arawang obrero, ang taumbayan sa sunud-sunod at susun-susong problema sa pagkain?
Ang retrato sa pahina 1 ng Mindanao edition ng Bandera kahapon ay ang pila at naghihintay na mga maybahay sa Kidapawan City, naghihintay ng pagdating ng bigas ng NFA (National Food Authority).
Nakasingit sa retrato ang eksena sa palengke sa Libertad, Pasay. Dumating na ang bigas NFA, na ngayon ay tinatawag na No Food Again (susme!), pero walang pila ng mga mamimili dahil mahal na rin ang presyo ng bigas na dapat sana ay mura.
Mahal na rin ang puslit (smuggled) na bigas, na karaniwan at araw-araw na nagaganap sa gobyerno na pinamamahalaan ng anak nina Ninoy at Cory (kung buhay lamang sila, disin sana’y…).
Sa pahayag ni Herminio Coloma (siya na naman?), tumaas ng P2 ang presyo ng bawat kilo ng bigas-masa. Hindi pinigilan ni Aquino ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Bakit nga naman niya pipigilin, baka sumikat pa siya? Bagkus, sinabi ng Malacanang na “tiis-tiis” na lang at bababa rin ang presyo. Ha?! Teka. Nagkakalokohan dito. Sa presyo ng Malacanang, P2 ang itinaas bawat kilo.
Ang problema sa Malacanang (talagang Malacanang na ang problema ng taumbayan) ay hindi niya alam kung magkano ang itinaas ng presyo ng bigas sa mga palengke’t talipapa sa Phase 1, Phase 5 at Phase 9 ng Bagong Silang Caloocan, ang pinakamalaking barangay sa bansa; sa palengke’t talipapa sa Tala; sa Payatas A at B, sa Batasan Hills sa Quezon City; sa Trabaho, Sampaloc, sa Baseco’t Isla Puting Bato sa Maynila, atbp.
Hindi rin alam ng Malacanang, at ayaw nilang malaman sa kadahilanang sila lamang ang nakaaalam, na wala nang bigas-NFA sa liblib na mga bayan.
Susme! Kapag napakamahal na ng bigas at wala nang mabiling bigas, tulad ng nangyayari sa Kidapawan City, ang sasabihin ng Malacanang ay “tiis-tiis” muna?!
Napakasakit namang pagmasdan ang dilaw na kapaligiran. Tiis-tiis at matagal nang nagtitiis ang mahihirap, ang taumbayan, samantalang ang Malacanang ay hindi nagtitiis, bagkus ay nagpapasasa pa sa kasaganaang binabayaran ng masa, ng tinawag na “boss” ni Aquino; iyon pala’y busabos na ngayon sa gutom at mataas na presyo, at siya na ang boss.
Nagpapasasa talaga sa kasaganaan ang Malacanang. Ang kanilang sinangag ay parating may bawang. Ang mangangalakal ng basura sa kalye ay talagang hindi na kayang bumili ng bawang.
Sa mga iskwater na naninirahan sa ilalim ng tulay sa Del Pan sa Divisoria, Maynila, meron din namang bawang ang mahihirap. Ang bawang nila ay ang mabubulok na, na itinapon sa Divisoria dahil hindi na ito mabibili kahit ibagsak pa ang presyo.
Ganyan na nga ang mahihirap ngayon. Namumulot ng itinapong pagkain. Sa Ingles, ang pagkain ay “food.” Ang katiyakang may pagkain sa hapag-kainan pagsapit ng gabi ay tinatawag na “security” sa Ingles.
At food security ang ibinigay ni Aquino kay Pangilinan, na aasikasuhin niya para may tiyak na pagkain ang taumbayan. Presidential adviser ang iginawad kay Pangilinan.
Ah, iyon pala naman. Na ang ibig sabihin ay hindi niya tungkulin ang magpaliwanag kay Mang Domeng, sa arawang obrero, kung bakit napakamahal na ng bigas, wala nang bigas sa Kidapawan; wala nang bawang at nawawala na rin ang luya?
Kaya ba siya’y hindi nagpapaunlak ng panayam sa media para ipaliwanag ang krisis at sa bandang huli ay ulitin na lang ang sinabi ng Malacanang na “tiis-tiis” muna? Teka.
Simula nang hirangin, may nagawa na ba si Pangilinan? Wala pa. Nang talakayin niya ang cocolisap, wala siyang sinabing solusyon kundi ipinasa lang ang problema sa mga siyentipiko para pag-aralan.
Sa anumang trabaho, kahit sa talyer sa kanto, iyan ang problema. Kapag inilagay ang walang alam na trabahador sa isang puwesto, wala ring magagawa at matatapos na trabaho.
Hindi mahirap ipaliwanag iyan sa pitong lasing sa Batangas. Maaaring seryoso si Pangilinan sa usaping food security. Seryoso siyang payuhan si Aquino.
Pero, hindi kumikibo si Aquino sa kakulangan ng pagkain at napakataas na presyo ng bigas. Hindi rin maisisisi ni Aquino kay Gloria Arroyo ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil naganap at nagsimula ito sa kanyang termino, hanggang sa kaliwa’t kanan nang smuggling ang nagaganap sa bigas.
Puslit na bigas, puslit na sibuyas, puslit na bawang; puslit na hamon, ubas, kastanyas tuwing Pasko. Makakamit ba ang food security sa kapupuslit ng pagkain? Ito naman kasing si Pangilinan, ayaw magsalita hinggil sa food security.