Sylvia Sanchez nagtatalak, natakot sa parusa ng Star Cinema

“KALOKA! Bawal pang i-post ‘yang pictures ko, hindi puwede.  San mo nakuha ‘yan?” Ito ang umaalingawngaw na tinig ni Sylvia Sanchez nang tawagan niya kami kahapon matapos nitang makita ang litratong tinag namin sa FB account niya.

Hindi naman galit si Ibyang bossing Ervin, high pitch lang talaga siya na base sa paliwanag niya ay sinabihan daw siya ng Star Cinema publicity director na si Mico del Rosario na bawal pang ipalabas ang mga litrato niya na nakadamit lalaki para sa pelikulang “The Trial”.

“Nu’ng nagpuntahan ang mga kaibigan ko sa set, hindi nila ako nakilala kaya nu’ng nalaman nilang ako na, panay ang picture-picture nila, kodakan nang kodakan, e, kabilin-bilinan ni Mico, ‘wag daw ilalabas kasi pang-surprise nga sa movie.

“E, hindi ko naman alam na itong mga kaibigan ko, e, pinagpo-post nila sa FB nila ‘yung pictures ko, kaya tiyak doon mo nakuha ‘no?” sabi sa amin ng aktres

.Umamin kami na sa FB account ng kaibigan niya na tinag siya namin nakuha ang mga litrato at dahil first time rin naming nakitang nakadamit panlalaki si Sylvia kaya sinulat namin.

“Yari ako kay Mico, ikaw bahalang sumagot do’n.  Wala akong alam diyan,” sabi pa sa amin ni Ibyang. Samantala, tawang-tawa kami sa kuwento ng aktres ng umuwi siya sa bahay nilang naka-damit lalaki, “Sina Ria (panganay) at Gela (pangatlong anak), sabi sa akin, ‘mom, please don’t be a lesbian, ‘wag ka mahahawa.

“Si Xavi (bunso), usually kasi kapag umuuwi ako at iki-kiss ko siya nakadamit babae galing ng Be Careful, e, nu’ng umuwi ako na nakapantalon at polo, sabi sa akin ni Xavi, ‘huh? You, boy? Boy?’ panay ang tingin.

“Tapos ‘yung asawa ko, si Art (Atayde), sabi sa akin, ‘hayan, lumabas na talaga ang tunay na ikaw,’” Kuwento sa amin ng aktres.
Sabay tanong namin, bakit, dati ka bang lesbian? “Gaga, hindi, ganito lang talaga ako kumilos, parang lalaki, mabilis, hindi ako lady like, ayoko ng ganu’n, bagal-bagal.

Gusto ko mabilisan, ratsada,” katwiran niya sa amin. At tinanong namin kung anong brand ng briefs ang suot niya, “Bench lang para mura, hindi na ‘yung mamahalin.”

Susme, mura pa ba ang Bench ngayon, bossing Ervin? At heto pa, “Nakakatawa nga, kasi si Joy Viado (kasama sa movie), sabi niya, ‘Ibyang, nakikita briefs mo, ayusin mo pantalon mo, sabi ko, ‘hayaan mo, ganyan ang mga lalaki, di ba, nakikita ang briefs?  Lalaki nga ako, eh.”

( Photo credit to sylvia sanchez official fanpage )

Read more...