PSC todo ang suporta sa atleta para sa Asian Games


HINDI makapagbigay ng prediksyon si Philippine Sports Commission chairman at Asian Games chief of mission Ricardo Garcia  patungkol sa medalyang puwedeng mapagwagian  ng pambansang koponan sa Incheon, Korea.

Sa pagdalo sa PSA Forum sa Shakey Malate kahapon, sinabi ni Garcia na maituturing   niya na mas maganda ang suporta na ibinigay ngayon ng PSC sa mga atletang lalahok sa 2014 Asian Games.

Nasa 248 ang bilang ng atleta  base sa entry-by-number na ipapasa ni Garcia sa Asian Games organizers. “Our athletes are better supported. But I can not say whether our athletes are better prepared,” wika ni Garcia.

Ginagawa ni Garcia ang lahat ng puwedeng gawin para matiyak na magkakaroon ng magandang pagsasanay ang mga atleta. May inilaan pa nga ang PSC ng P50 milyon bilang supplemental budget  sa pagsasanay ng mga Asian Games-bound athletes.

Pero hindi lahat ng kasaling national sports association ay nagpasa na ng kanilang programa para makakuha ng pondo mula sa PSC.

Sa ngayon ay nasa P5 milyon pa lamang ang perang inilabas matapos tugunan ang request ng karate, rowing, wind surfing at triathlon. Ang boxing, bowling at sailing ay nagpasa na ng request pero hindi pa ito naaaprubahan ng PSC Board.

“There are still other NSAs that opted to stay put and train here. If they want to send athletes overseas or bring a foreign coach here, they can do it. But I can’t force them to do that,” pahayag pa ni Garcia.

Sa 248 atleta na binubuo ng 147 kalalakihan at 101 kababaihan, nasa 159 atleta na ang  pasado base sa pagsusuri ng Task Force Asian Games.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...