NAIS makita ni Boyet Fernandez sa aksyon ang kanyang mga alipores bago magsalita sa lakas ng kanyang koponan.
Sa pulong balitaan kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City upang pormal na ilunsad ang 90th Season ng NCAA ay itinuring ang San Beda Red Lions bilang angat sa 10 koponan na maglalaban sa titulo.
Pakay ng Red Lions ang ikalimang sunod na kampeonato sa pinakamatandang collegiate league sa bansa at solido pa rin ang lineup ng koponan dahil walong key players sa mga nakaraang championship ng koponan ay babalik sa pamumuno nina Ola Adeogun at Arthur de la Cruz.
Pero nilinaw ni Fernandez na hindi madali ang kanilang misyon dahil lahat ng teams ay nagpalakas at naghahanda.
“Walang pushover sa NCAA,” wika ni Fernandez. “Balance ang league and you can’t really tell if you can beat this team or not that is why I am really excited.”
Ang ibang coaches ng liga na dumalo sa pagtitipon ay may kumpiyansa rin lalo na kung ang pagtapak sa Final Four ang pag-uusapan.
Nangunguna na rito ang host Jose Rizal University na pangungunahan pa rin ni coach Vergel Meneses at magbabalak na wakasan ang dalawang sunod na taon na hindi nakapasok sa semifinals.
“For the past two seasons ay maganda ang performance namin sa first round, pero ang problema ay sa second round. Kaya ang target namin ay itama ito,” wika ni Meneses na aasa sa mga beteranong sina Philip Paniamogan at Michael Mabulac.
Taong 1972 pa huling nagkampeon ang Heavy Bombers at ito ay sisikapin nilang wakasan gamit ang determinadong manlalaro.