NAGPAALAM ang ilang doktor sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig sa Simbahang Katolika na payagan si Fr. Fernando Suarez na magmisa sa ospital para sa kanilang mga cancer patients.
Hindi raw pumayag ang bishop ng Taguig.
Kailangan kasing magpaalam na magmisa ang isang pari na hindi naka-assign sa isang lugar sa bishop ng naturang lugar.
At dahil di pinayagan si Suarez, hindi mapupuntahan ni Suarez ang mga cancer patients na humihiling sa kanya.
Bakit di naman payagan ng bishop si Suarez samantalang di naman katawan niya ang hinihinging pagalingin, kundi katawan ng mga cancer patients?
Maraming taong may malubhang karamdaman ay napagaling daw ni Suarez dahil sa kanilang paniniwala.
At sino naman ang bishop na ito na magsasabi na mali ang paniniwala ng mga cancer patients na sila’y pagagalingin ni Suarez?
Ang Diyos lamang ang makakapaghusga kung mali o tama si Suarez.
Kapag namatay ang mga pasyente na hindi nadalaw ni Father Suarez, sisisihin ang bishop ng Taguig.
Baka mabawasan ng mga miyembro ang Simbahang Katolika.
qqq
Marami nang tao na may sakit na gumaling dahil sa kanilang pananampalataya sa faith healer.
I’m not only referring to Father Suarez, I’m also referring to other faith healers in the country.
Pinupuntahan ang ating bansa ng mga taong may malulubhang karamdaman dahil sa bantog nating mga faith healers.
Marami sa kanila ang gumaling dahil sa kanilang pananampalataya.
Nauusod ang bundok ng pananampalataya,‘ika nga.
Kahit na ang paniniwala na may Diyos ay dahil sa pananampalataya.
qqq
Walang tama o maling relihiyon.
Lahat ng relihiyon ay tama sang-ayon sa paniniwala ng indibidwal na tao.
Kaya’t walang nananalo sa argumento tungkol sa relihiyon dahil ito’y parang pinag-uusapan kung ano ang nauna, ang itlog o ang manok?
qqq
Galit na galit si Davao City Mayor Rody Duterte sa pagpaslang sa bilyonaryong negosyante na si Richard King sa lungsod.
Nadungisan ang reputasyon ng Davao City kasi na ito’y “crime-free.” Kung meron mang mga krimen ay maliliit lamang.
Naglagay ng P200,000 si Duterte sa ulo ng salarin, on top of the P300,000 earlier put up by King’s relatives, para sa agarang paghuli “dead or alive” ng salarin.
Pero mahihirapan ang mga imbestigador ni Duterte sa paghanap ng suspect dahil maraming posibleng motibo.
Sa aking mga nakalap na impormasyon, ang mga motibo ay ang mga sumusunod: paghihiganti diumano sa mga murders na pinaghihinalaan si King; business rivalry; love triangle; diumano’y kanyang involvement sa isang pyramid scam; family feud.
Ayaw kong pumunta sa mga detalye dahil baka ako’y sampahan ng kasong libel, pero kapag tiningnan ng mga pulis ang mga anggulong binanggit ko, covered na nilang lahat ang dahilan ng pagkakapatay kay Richard King.
qqq
Dahil lamang sa pagkakapaslang kay Mayor Ernesto Balolong ng Urbiztondo, Pangasinan, pinakansela ni Pangulong Noy ang lahat ng permit to carry ng mga baril sa lalawigan.
Knee-jerk reaction ang ginawa ng Pangulo.
Bakit naman niya parurusahan ang mga taong lehitimong may permit to carry dahil lamang sa pagpatay kay Balolong?
Yung mga taong may banta sa kanilang mga buhay sa Pangasinan ay nanganganib dahil wala silang panangga sa mga taong magtatangka sa kanilang buhay.
Pustahan tayo, ang taong bumaril kay Mayor Balolong ay hindi lisensiyado ang kanyang baril.