Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Panginoon. Nguni’t sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalang ng Langit pagkat naroon ang Trono ng Diyos, ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari. Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mong “oo” kung oo at “hindi” kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing. –Ebanghelyo sa Sabado sa ika-10 linggo ng taon, ayon sa aklat ni Mateo
Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Panginoon. Ang pananampalataya ay hindi lamang tungkol sa mga pangako, na malimit na napapako. Kaakibat ng pangako ang paggawa bilang pagtupad sa mga salitang binitiwan. –Pagninilay-nilay sa Ebanghelyo ni Mateo
NAPAKALINAW, sinlinaw ng tubig sa natatagong bukal sa kabundukan, sa dalisdis ng bulkan at pasingaw (na kung igiit sa Ingles ay “…as clear as the water.”), ang sinabi at ipinahayag ng Ebanghelyo. Marami nang editorial ang Bandera na binuksan ng pambungad mula sa maraming Ebanghelyo at totoo namang kurot sa damdamin ng mga binyagang iwinaksi na ang Panginoon nang magkapera, magkamal sa napakaraming pera, tumuntong sa gabundok na pera, at higit sa lahat, ay nakahawak sa napakalakas na kapangyarihan sa gobyerno. Matagal nang naisulat, at isinulat, ang mga Ebanghelyo ng mga apostol at habang dumadaan at nauubos ang mga araw ay kamangha-mangha at talinhagang natatapat ito at sinusurot ang mga nasa kapangyarihan, una na rito ang Ikalawang Aquino, ang anak nina Ninoy at Cory, hanggang sa magnanakaw na mga senador at kongresista. Sinusurot ng mga Ebanghelyo, at darating pang mga Ebanghelo hanggang Dis. 31 (ang ika-pitong araw ng pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang, sa ilalim ng aklat ni Juan) ang mga nagsabi, noong una, na sila’y maka-Diyos at maka-tao. Hindi sila maka-Diyos. At mas lalong hindi sila makatao. Hindi sila para sa kapakanan ng arawang obrero, ng taumbayan.
Oo o hindi. Oo o hindi? Napaglingkuran ba ni Aquino ang arawang obrero, ang taumbayan, ang magsasaka, ang mga nakaligtas sa bagyong Yolanda, ang nagdurusa sa blackout sa Mindanao, ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita, ang mga biktima ng gera sa Zamboanga City na hanggang ngayon ay nagtuturuan na lang sa evacuation centers kung sino ang susunod na mamamatay bunsod ng kapabayaan ng gobyerno ng lungsod at nasyonal?
Oo o hindi. Oo o hindi? Napaglingkuran ba ni Mar Roxas ang mga taga-Capiz, ang mga binagyo ni Yolanda na nakaiinsultong pagtimbangin ang mga apelyidong Romualdez at Aquino at igiit na mahina ang naunang apelyido dahil hindi siya ang pangulo ng bansa, ang mga nilindol, ang mga biktima ng gera sa Zamboanga City, ang mga magsasakang sinalanta ng coco-lisap na nagparetrato lang pala sa media gayung, tulad ni Kiko Pangilinan, ay kapwa wala ring alam sa peste sa sakahan, niyugan, atbp., pero magagaling na patalbugin lamang ang bola at ipasa sa iba ang problema, ang taumbayan sa Metro Manila, pangunahing mga lungsod at Mindanao para di sila ligtas sa mga papatay sa kanila, na simpleng nakamotor at simpleng di kayang lutasin ng bondating mga pulis, at ang pakikialam sa di naman dapat pakialaman?
Oo o hindi. Oo o hindi? Sina Enrile, Estrada’t Revilla na lang ba ang kayang akusahayan ng pagnanakaw, pandarambong gayung ang mga sipsip at kaalyado ni Gloria Arroyo noon na siyang nasa pundilyo ni Aquino ngayon ay mga magnanakaw at madarambong din ng pera ng taumbayan, ng mahihirap? Kung noon ay nahulaan na ng Bandera na pang-SONA (state of the nation address) na sina Tanda, Sexy at Pogi, base sa alanganing paglalarawan, ang magiging tampok ng SONA, ganito rin naman noon nang isinisi ni Ferdinand Marcos kina Ninoy Aquino, Bernabe Buscayno, Jose Maria Sison at oligarkiya, sa pamumuno ng mga Lopez, ang pabagsak na demokratikong gobyerno at pag-agaw ng gobyerno’t poder. Buntunan ng sisi ni Aquino, buntunan ng sisi Marcos. Pero, nang manungkulan sila ay kapwa sila nangako sa taumbayan. Walang korap at walang mahirap kay Aquino; at ang bansang ito ay muli pang tatanyag (This nation can be great again). Ang babala ng pagninilay-nilay ng Ebanghelyo ay huwag sisira sa pangako, at ang pangakong napako ay dapat isisi sa nangako, sa pasumpa-sumpa pa.
Oo o hindi. Oo o hindi? Nakukulapulan na ng maraming pagdududa ang paglilingkod at pagkatao ni Proceso Alcala. At mas lalong nakukulapulan ng walang kakayahan ang isiningit at pahabol na kalihim din, si Francis Pangilinan, ang may akda ng batas na di dapat parusahan ang mga menor de edad na gumagawa na ng karumal-dumal na mga krimen (mantakin na siya pala ang magpapalaya at magbibigay proteksyon sa mga kriminal). Bigas, sibuyas, asukal at ngayon ay bawang ang sumiklab na mga problema na tutupok sa mahihirap, na di naman talaga kaya ni Alcala. Puro pangako na sapat ang pagkain, maunlad ang pagsasaka at marami ang butil. Pero napako na ang mga pangakong ito.
Mantakin na Ebanghelyo pa ang nagpatunay na napako pa ang mga pangako ng mga palamunin ng taumbayan!