Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Alaska Milk vs Barako Bull
5:15 p.m. Talk ‘N Text vs Barangay Ginebra
KUMANA si Mario West ng triple double habang uminit naman ang kamay ni Gary David sa labas para pamunuan ang Meralco Bolts sa tambakang 123-95 pagwawagi laban sa Globalport Batang Pier sa kanilang PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cupy kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Nagtala si West ng 30 puntos, 13 rebounds at 12 assists habang si David ay umiskor ng personal conference high 33 puntos para pamunuan ang Bolts, na tinapos ang kumperensiya na may 3-6 kartada.
Si Dior Lowhorn ay gumawa ng 28 puntos, 11 rebounds, anim na assists at dalawang steals para pangunahan ang Batang Pier, na nalasap ang ikapitong sunod na pagkatalo at mahulog sa 1-8 karta.
Samantala, hangad ng Barangay Ginebra na makabangon sa pagkatalo at masungkit ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa pagtutuos nila ng Talk ‘N Text mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon, magkikita naman ang Alaska Milk at Barako Bull sa pagtatapos ng kanilang elims schedule.
Ang Gin Kings ay natalo sa Aces, 79-66, noong Biyernes at bumagsak sa 5-3 record katabla ng Rain or Shine at nagtatanggol na kampeong San Mig Coffee. Sa gabi ring iyon ay nagwagi ang Tropang Texters kontra sa Mixers, 92-88, upang mabawi ang liderato sa record na 6-2 at masiguro ang twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals.
Ang panalo kontra sa Mixers ay naitala ng Tropang Texters kahit na wala ang point guard na si Jimmy Alapag na may sakit.
Sa pagkawala ni Alapag, ang Talk ‘N Text ay sumandal kina Paul Harris na gumawa ng 39 puntos, Jayson Castro na nagtala ng 19 at Ranidel de Ocampo na nag-ambag ng 12.
Ang iba pang locals na inaasahan ni Talk ‘N Text coach Norman Black ay sina Kelly Williams, Ryan Reyes at Larry Fonacier.
Makakaduwelo ni Harris si Zaccheus Mason na babawi sa masama niyang performance kontra Aces kung saan siya ay nagtala ng 21 puntos. Iisang local ang nagtapos nang may double figures sa scoring at ito’y si Mark Caguioa na gumawa lamang ng 10 puntos.