Pangilinan pambala vs cocolisap

NAGKUKUMAHOG ngayon ang administrasyon na mapatigil ang pagkalat ng cocolisap na banta sa industriya ng niyog sa buong bansa.

Kung bakit naman kasi hindi agad umaksyon ang gobyerno, at kinailangan pang maghintay ng limang taon bago pa tugunan ang problema. Sana noon pa ay umaksyon na ang Department of Agriculture noong panahon na kaya pa itong pigilan.
Noong 2009 unang nadiskubre ang cocolisap sa Barangay Ulango, Tanauan City, Batangas, pero tila nagbulag-bulagan ang gobyerno.

Hindi malayo na idadahilan na naman ng administrasyong Aquino na naabutan na lamang nito ang problema, at minana lang nila ito sa dating administrasyong Arroyo. Tiyak tataas na naman ang kilay ninyo.

Apat na taon na ang nakalipas simula nang iokupa ni Pangulong Noynoy Aquino ang Palasyo, pero ngayon lang ito binibigyan ng pansin nang ipalabas ang Executive Order 169 na naglalayong mapigilan ang pananalasa at pagkalat ng cocolisap.
Eh, ano ba naman kasi ang ginawa nitong si Agriculture Secretary Proceso Alcala at napalala niya ang problemang ito?

Hindi rin maiiwasang mag-isip ng publiko na ipinalabas ang EO para bigyang justification ang pagkakatalaga ni dating Senador Francis Pangilinan bilang Presidential Adviser on Food Security and Agriculture Modernization.

Ibinigay ni PNoy kay Pangilinan ang direktang pamamahala sa Philippine Coconut Authority (PCA) na siyang may mandato para isulong ang mga programa para sa mga niyugan sa bansa.

Malaking hamon nga para kay Pangilinan para ipakita na may magagawa nga siya sa mga kawawang magniniyog na apektado na ng cocolisap.

Tsk, tsk, tsk… mukhang nawalan na ng pagasa ang Malacañang kay Alcala.

Malaki ang epekto ng problemang ito di lang sa industriya ng niyog kundi maging sa page-export dina. Alam naman nating na ang niyog ang pangunahing ini-export ng bansa.

Sana nga ay hindi pa huli ang lahat. At sana lang may maitutulong talaga ang pagkakatalaga ni Pangilinan, hindi iyong para lang mai-accommodate siya.

Sa wakas, pinalusot na rin ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang tatlong miyembro ng Gabinete matapos kumpirmahin sina Justice Secretary Leila De Lima, Social Welfare Development Secretary Corazon “Dinky” Soliman at Environment Secretary Ramon Paje.

Hindi na kataka-taka na palusutin na ang mga ito dahil kailangan ng Kongreso na maging mabango sa administrasyon dahil malapit na ang eleksyon.

Dalawang taon pa bago ang 2016 presidential elections pero ngayon pa lamang ay kanya-kanya na ang pagpapel ng mga pulitiko para masiguro na susuportahan din sila ng administrasyon sa darating na halalan.

Read more...