Bansa ng mga magnanakaw

NAALALA pa ba ninyo si Noriyo Ohara, isang Haponesa na naging laman ng balita tatlong taon na ang nakararaan dahil siya’y kinidnap ng mga alagad ng batas?

Kaawa-awa ang nangyari sa 32 anyos na Haponesa.

Sinamsam ng mga umampon sa kanya na mga Pinoy ang kanyang kayamanan habang siya ay nagmistulang nakakulong.

Si Ohara kasi ay nasa pangangalaga ng government Witness Protection Program (WPP).

Pero tumalon na agad tayo sa kuwento; umpisahan natin sa umpisa.

Si Ohara ay nagpunta sa bansa upang takasan ang kanyang madrasta na gusto siyang ipapatay para masarili ang kayamanan na naiwan ng kanyang yumaong ama.

Tinulungan siya ng isang Pinay na asawa ng Hapon, si Rosemarie Marzan-Ogawa, na makapasok ng bansa na walang papeles.

May mga binayaran si Rosemarie na tauhan ng immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang maipasok sa bansa si Noriyo.

Binigyan si Noriyo ng pamilya Marzan, ang pamilyang nag-ampon sa kanya, ng bagong pangalan: Marife Salazar Laganas.

Bumili ng malaking bahay si Noriyo sa Las Pinas at dalawang luxury cars. Ipinangalan niya ang mga ito sa mga Marzan.

Nagpakasasa ang mga Marzan, na mahirap na pamilya sa Pangasinan, ng bilyonaryang si Noriyo.

Gaya ng kanyang mga kababayan, si Noriyo ay galante sa pera.

Isa sa mga Marzan, na hindi naambunan, ay nagsumbong sa National Bureau of Investigation (NBI) tungkol kay Ohara na undocumented alien.

Pumunta ang ilang NBI agents sa bahay ng mga Marzan sa Bugallon, Pangasinan, inaresto ang nagbabakasyon na si Noriyo, dinala sa Maynila at ikinulong.

Humingi ang mga ahente ng NBI sa mga Marzan ng P100 milyon na ransom upang pakawalan si Noriyo.

Napag-alaman ko ang tungkol sa pagkakakidnap kay Noriyo sa mga Marzan na, siyempre, ayaw bayaran ang ransom.

Ang aking exposé dito sa Target ni Tulfo at sa aking column sa INQUIRER, sister publication ng Bandera, ang naging dahilan ng malawakang imbestigasyon at pagkakatanggal ng NBI chief na si Magtanggol Gatdula.

Sa imbestigasyon na iniutos ni Justice Secretary Leila de Lima, kung saan ang inyong lingkod ay naging resource person, inimungkahi ko na si Noriyo at ibang miyembro ng pamilya Marzan— sina Tina at Glenda— na ipasailalim sa Witness Protection Program.

Nagtaka ako ng malaman ko kamakailan na wala na sa pangangalaga ng WPP sina Tina at Glenda.

Ang natitira na lamang sa WPP ay si Noriyo na nagmistulang preso para na rin sa kanyang kaligtasan.

Naging self-appointed guardian ng “Isumbong mo kay Tulfo” si Noriyo.

Dinadalaw ko at ng aking mga staff si Noriyo sa Department of Justice (DOJ) building at kung minsan ay inilalabas.

Sa isang pagdalaw namin sa kanya, nakiusap siya kung puwede namin siyang samahan sa kanyang bahay sa Las Pinas upang makita ang mga personal na gamit doon.

Sinamahan ni Alin Ferrer, ang aking chief of staff sa “Isumbong” si Noriyo noong Martes.

Kasama rin nila ang mga guwardiya ni Noriyo sa WPP.

Alam ba ninyo ang nadiskubre nina Noriyo at Alin?

Nakatira na si Tina sa bahay ni Noriyo kasama ang kanyang boyfriend at ginagamit na nila ang dalawang kotse ng Haponesa.

Ayaw papasukin ni Tina si Noriyo sa kanyang sariling bahay.

Sinabi niya kay Noriyo na kausapin na lang ang kanyang tiyahin na si Rosemarie.

Nagsusumamo sina Noriyo at Alin na sila’y papasukin dahil bumagsak na ang malakas na ulan.

Hindi sila pinapasok ni Tina kahit na basang-basa sila sa ulan.

Sa Japan, may kataga na naglalarawan ng pagkatao ng mga Marzan: dorobo o magnanakaw.

Ang mga dorobo sa ating mga Pinoy, kahit na sila’y kakaunti, ang nagbibigay ng masamang pangalan sa ating bansa.

Dahil sa mga ganitong klaseng Pinoy, na gaya ng mga Marzan, inaakala tuloy ng mga dayuhan na ang Pilipinas ay bansa ng mga magnanakaw.

Read more...