SPURS ISANG PANALO NA LANG

MIAMI — Nakubra ng San Antonio Spurs ang 3-1 bentahe sa NBA Finals matapos itala ang kumportableng 107-86 panalo laban sa Miami Heat kahapon at dumikit sa isang panalo para makaganti buhat sa kabiguang natamo noong isang taon.

Si Kawhi Leonard ay gumawa ng 20 puntos at 14 rebounds para sa Spurs, na makukuha ang ikalimang kampeonato sa NBA kung magwawagi sa kanilang homecourt sa  Game 5 ngayong darating na Lunes.

“I’m pleased that they performed as well as they did while we’ve been in Miami, and that’s about as far as it goes,” sabi ni Spurs coach Gregg Popovich. “Now we’ve got to go back home and play as well or better.”

Nagtala naman si LeBron James ng 28 puntos at walong rebounds para sa Heat habang si Dwyane Wade ay  nagtapos na may 10 puntos.

Para magwagi sa serye, kinakailangan naman ng Heat ng matinding pagbangon sa kasaysayan ng NBA Finals.

Wala pang koponan ang nakabangon buhat sa 3-1 deficit sa finals at dahil sa dalawang masaklap nilang kabiguan sa kanilang home floor mukhang malabong makabawi ang two-time NBA champions.

“This was probably the biggest surprise of the series,” sabi ni Heat coach Erik Spoelstra.

Nag-ambag naman si Tony Parker ng 19 puntos habang si Tim Duncan ay may 10 puntos at 11 rebounds para sa Spurs, na tumira ng 57 porsiyento mula sa field.

Natalo ang San Antonio ng dalawang beses sa Miami para wakasan ang NBA Finals noong isang taon at ito ang tangi nilang pagkatalo sa championship round. Nagwagi naman sila sa dalawang laro nila sa Florida sa pagkakataong ito sa pinagsanib na 40 puntos.

Sa huling 13 beses na natalo ang Miami sa isang playoff game ay nagawa nilang manalo sa sumunod na laban subalit ang magkasunod na kabiguan ay mukhang nagpapahiwatig na napapagod na sila matapos umabot sa NBA Finals ng apat na sunod.

Read more...