ANG adiksyon ay hindi nangyayari sa isang kisapmata. Ito ay isang mahabang proseso kung saan ang katawan ay nasasanay at nakukondisyon na hanap hanapin ang mga bagay na kinababaliwan.
Maituturing na adik ang isang tao kung ang kanyang trabaho, pag-iisip at mga relasyon ay apektado at napipinsala.
Nagsisimula ang adiksyon sa sarili. Bilang mga tao, naghahanap tayo ng mga bagay na magbibigay ng “sarap” bilang katapat sa mga paghihirap natin araw-araw.
Tayo ay makasarili. Iniisip natin na tayo ang may kontrol ng ating buhay at kapalaran. Dahil sa ugaling ito, konting hirap lang at tayo ay tumatakbo sa kahit anong magpapagaan ng ating pakiramdam gaya ng alak, droga, yosi, sex, videogames at maging pagkain. Pinagpapalit natin ang Diyos sa bote ng gin, ang dasal sa pagturok ng droga at ang ating kalusugan sa yosing kaha-kaha.
Tulad ng natalakay, ang adiksyon ay nagsisimula sa sarili—ang pagbabago ay dapat din magsimula sa sarili.
Ang adiksyon at hindi permanente, ito ay maaaring agapan at gawing daan para mahanap ang sarili at magsilbing inspirasyon sa marami.
Kailangan lamang na tayo ay handa at taos-pusong gustong magbago. Wala namang masama sa konting sarap sa buhay ngunit hindi natin ito dapat abusuhin at huwag natin itong sambahin.
DROGA
Masama ang epekto ng bawal na gamot. Pero napag-alaman din na ang di wastong paggamit ng mga gamot, may reseta man (prescription drug) o wala (over-the-counter drug), ay may masamang epekto rin.
Sa mga bawal na gamot, mayroong nakaka-“high” (uppers), at mayroon ding nakakapagpababa ng emosyon (downers).
Hindi lang limitado sa emosyon kundi pati na rin sa kaisipan ang epekto nito. Nakasisira ito ng utak.
Ang brain damage ay pwedeng permanente depende sa dosage at tagal ng paggamit ng bawal na droga.
Kailan ito nagiging bawal? Sa karaniwan at kontroladong paggamit sa medisina, ang mga gamot na ito ay maaring makabuti.
Kapag ginamit ang gamot sa labas ng kanyang indikasyon, dito magkakaroon ng masamang epekto na maaring magdala sa pagka-addict.
Pinakausong ginagamit sa bansa ay ang shabu. Sa simula ay libre, pero sa sandaling na-hook ka na, sisimutin na nito ang iyong kabuhayan.
Kapag natikman at naranasan ang ibinibigay na “high” ng shabu, mayroong pansamantalang sarap at aliw. Nagiging alerto at gising ang isipan. Stimulant kasi ito.
Dahil sa matinding pagkamulat ng kaisipan, ang high rito ay sumusubok na kung anu-ano, galaw nang galaw, di mapakali, may kadaldalan at malikot ang pag-iisip.
Pero sa sandaling nawala na ito sa katawan, dito na nagkakaroon ng sintomas ng withdrawal o crashing. Hindi magandang pakiramdam sa kaisipan kung kaya’t hahanap ng lunas ang nakatikim nito. Uulit at uulit sa paggamit ng droga hanggang sa tuluyang maging adik.
(Abangan ang
solusyon sa Miyerkules)